NASAAN na ngayon ang angas nitong si House Speaker Pantaleon Alvarez? Parang basang sisiw si Alvarez, at hindi niya inakala na ang kanyang mga pahayag ay sosoplahin ni presidential daughter at Davao City Mayor Sara Duterte.
Galit na galit si Sara, at tinawag niyang asshole si Alvarez. Nagsimula ang galit nitong si Sara matapos malaman niyang tinawag siya ni Alvarez na kabilang sa oposisyon nang magbuo siya ng regional political party na Hugpong ng Pagbabago.
Ang sabi ni Sara: “Kung asshole ka sa Congress, ‘wag mong dalhin ‘yan dito sa Davao, iwan mo ‘yan sa Manila.” Dagdag ni Sara: “Somebody should tell the president what you are doing. How dare you call me part of the opposition. Kapal ng mukha mo. You messed with the wrong girl.”
Tindi!
‘Yan kasi ang napapala nitong si Alvarez. Ang akala yata niya ay forever na siyang maton at walang maglalakas ng loob na babangga sa kanyang pinaggagawa. Kung kaya kasi niyang paikutin ang mga miyembro ng Kamara, mukhang isang babae lang mula sa Davao ang magpapataob kay Alvarez.
Ang masakit nito, hindi lang pala si Sara ang kinursunada nitong si Alvarez kundi pati mismo si Pangulong Rodrigo “Digong” Duterte. Sa harap ng mga tao, sinabi umano ni Alvarez na kaya niyang ipa-impeach si Digong.
Mukhang nalasing na talaga sa kapangyarihan si Alvarez at pati si Digong ay binabangga na rin niya ngayon. Hindi na iniisip nitong si Alvarez na sa isang kumpas lang ni Digong ay sibak na siya sa kanyang puwesto sa Kamara.
Dapat na talagang sibakin ni Digong si Alvarez. Marami na siyang atraso at hindi na dapat pagtagalin pa bilang Speaker sa Kamara. Kung tutuusin walang dapat na panghinaya-ngan si Digong kay Alvarez dahil puro kapalpakan lang ang ibinibigay nito sa kanyang administrasyon.
Hindi pa ba sapat ang survey ng Pulse Asia at Social Weather Station na nagpapakita ng pagbagsak ng performance rating ni Alvarez simula nang pamunuan niya ang Kamara?
At ang kabastusan nitong si Alvarez nang aminin niyang meron siyang ‘kabit’ habang legal pa siyang kasal sa kanyang misis na si Emelita. Nakahihiya na talaga itong si Alvarez dahil kung matatandaan, idineklara na rin siyang persona non grata ng Mindanao PDP-Laban at tinawag na fake secretary general.
At sino ang makalilimot sa ginawa ni Alvarez kay dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo nang sibakin sa kanyang puwesto bilang Deputy Speaker for Central Luzon? At si Rep. Floriendo, hindi ba’t sinibak niya rin ito bilang kasapi ng PDP-Laban?
Pinakuhuli ang ginawang panggigipit kay Ilocos Norte Gov. Imee Marcos nang imbestigahan niya ito sa usapin ng tobacco excise tax. Hindi ba alam ni Alvarez na ang mga taong binabangga niya ay pawang malalapit kay Digong?
Sobra na ang kawalanghiyaan nitong si Alvarez. Kailangang kumilos ang mga tao ni Digong sa Kamara para tuluyang kalusin sa kanyang puwesto ang abusado.