MAGTAGUMPAY kaya ang hangarin ni Bayan Muna Rep. Carlos Isagani Zarate sa inihain niyang House Bill No. 7146, bilang amyenda sa Code of Conduct and Ethical Standards for Public Officials and Employees?
Naglalayon itong pasulatin ang public officials and employees na magbigay ng written permission para payagan ang Office of the Ombudsman na ma-examine, at matanong ang kanilang bank deposits.
‘Yan ay para matigil ang mga public officials at mga empleyado na itago ang kanilang undeclared income.
Kasi nga naman kahit mayroong annual filing ng Statement of Assets and Liabilities (SALN),
hindi rin ito garantiya na tapat sila sa deklarasyon.
Ang tanong lang natin dito, makalusot naman kaya ang House Bill na ‘yan?!
Hindi ba’t tahasang sampal sa mukha ng mga mambabatas ang inihaing panukala ni Rep. Zarate?!
Baka kamukat-mukat ni Bayan Muna Rep. Zarate, sinasampal na siya ng katotohanan na hindi papayag ang mga mambabatas sa Kamara dahil baka 80 porsiyento sa kanila ay kuwestiyonable ang yaman?!
Arayku!
Sabi nga ng matatanda, ang panukala ni Zarate ay parang palayok na bumangga sa kawali.
‘Yun na!
IMBESTIGASYON
NG SENADO
SA DENGVAXIA
ITIGIL NA
ANG Senado o ang Kamara, tuwing may ginagawang “investigation in aid of legislation” parang laging nagpapatawa.
Parang kanta ng Yano, “Santong Kabayo, Banal na Aso, natatawa ako, hihihihihi.”
Nakatatawa na lang naman talaga. Kasi paulit-ulit lang ang kanilang ginagawa pero sa huli wala namang nangyayari.
Ang ipinagtataka naman natin kay Madam PAO chief, Atty. Persida Rueda-Acosta, kung mayroon siyang dokumento at mga pag-aaral na nagpapakita na ang Dengvaxia ay ginamit ng big pharma para gawing guinea pigs ang mga batang estudyante bakit hindi sampahan ng kaso ang kompanyang Sanofi?!
Para kasing ngawngaw nang ngawngaw lang si Madam Persida, pero parang ayaw namang magsampa ng kaso.
Marami tuloy ang nag-iisip na ginagamit lang niyang behikulo ang Dengvaxia para matandaan ng tao ang pangalan niya at maalala siya sa 2019 senatorial election.
Madam Persida, puwede bang umisip kayo ng ibang style para naman maituloy na ang pagsasampa ng kaso laban sa Sanofi?!
Puwede namang sampahan na ng kaso ang Sanofi at habang umaandar ang kaso ay lumabas pa ang maraming ebidensilya.
At higit sa lahat, matukoy agad kung sino ang mga dati at kasalukuyang opisyal ng pamahalaan na dapat managot, sa aspektong sibil at kriminal.
‘Yun lang po.
At kung hindi naman matutuloy kung sino ang sasampahan ng kaso, itigil na ang imbestigasyon.
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0977.705.22.31 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com
BULABUGIN
ni Jerry Yap