Ngayon na nilagdaan na ang kautusan na total ban sa deployment ng mga OFWs sa Kuwait, asahan na marami pa
rin magtatangka na lumabas patungo sa nasabing bansa para makapaghanapbuhay. Marami pa rin susugal na mga kababayan natin, lalo na’t desperadong magkaroon ng pagkaka-kitaan para suportahan ang pamilya. ‘Ika nga, kakapit sa patalim para sa pamilya.
Dito natin masusukat kung hanggang saan ang kakayahan ng ating pamahalaan para maipatupad nang walang mintis ang nais ni Pangulong Rodrigo “Digong” Duterte na huwag nang magpadala ng OFWs sa Kuwait dahil sa kabi-kabilang pang-aabuso na dinaranas sa kamay ng kanilang employer.
Ang sabi kahapon ng Bureau of Immigration, haharangin nila ang lahat ng Pinoy na pupunta ng Kuwait, kabilang ang mga sinasabing “balik-manggagawa” na may mga employer na naghihintay sa kanila sa nasabing bansa. Dapat lang maging mahigpit ang BI sa pagpapatupad ng kautusang inilabas ng Department of Labor and Employment, at siguruhing hindi makalulusot.
Hindi lang ang mga airport ang dapat na bantayan ng pamahalaan kundi ang mga pantalan na maaaring gamiting backdoor para makalabas patungong Kuwait.
Partikular na dapat pagtuunan ng pansin ay mga pasaway na recruiter at silang mga trafficker na posibleng magdala sa mga kababayan natin sa Kuwait kahit may umiiral na ban.
Isa pang dapat din imonitor o bantayan ay mismong mga tao sa Immigration na kakutsaba ng ilang pasaway na recruiter na posibleng mapapayag na makapagpalabas ng Pinoy patungong Kuwait.
Maraming posibleng mangyari sa ngalan ng pera. Kaya dapat ito ang pagtuunan ng pansin ng pamunuan ng BI at DOLE.