UMALMA ang mga magsasaka sa parating na bigas na inangkat ng National Food Authority (NFA) dahil sasabay ito sa panahon ng anihan.
Nakatakdang dumating sa susunod na buwan ang 250,000 metriko toneladang bigas na inangkat ng NFA, habang higit 3.5 milyong metriko toneladang palay ang inaasahang aanihin ng mga magsasaka.
Dahil dito, pinangangambahan ng local farmers na babagsak ang presyo ng kanilang palay.
Ayon sa grupo ng mga magsasaka, gusto sana nilang magbenta ng palay sa NFA ngunit mababa ang bili ng ahensiya, sa P17 o P18 pesos kada kilo lamang.
Naibebenta nila ito sa mga pribadong trader hanggang P22 pesos kada kilo. Mataas kasi ang puhunan nila sa pagtatanim.
“Ang laki-laki naman ng gastos sa production. Halos wala kaming kinikita at napupunta lahat sa gastos sa pagtatanim…kulang kami sa mga gamit,” ayon kay Zenaida Soriano ng grupong National Federation of Peasant Women (Amihan).
Sa datos ng Department of Agriculture (DA), nasa higit apat metriko toneladang palay lang ang naaani sa bawat ektaryang lupa ng local farmers.
Target ng DA na itaas ito sa anim metriko tonelada sa pamamagitan ng pagkakaloob ng pagsasanay sa bagong teknolohiya at access sa credit o pautang sa magsasaka.
Samantala, naghayag ng pagtutol ang isang consumer group sa pag-angkat ng bigas at pagpataw ng buwis dito.
“Ang impact nito sa mga magsasaka ay mabigat. Mula no’ng nag-i-import tayo hindi na talaga bumaba ang presyo ng bigas… The consumers will bear the expense,” ani Cathy Estabillo ng grupong Bantay Bigas.
Nauna nang sinabi ng NFA na kailangan nilang mag-angkat ng bigas dahil ramdam ang kakulangan nito at nagkakaubusan na sa maraming lugar.