DEL GALLEGO, Camarines Sur – Tatlong biktima ang patay habang 10 ang sugatan makaraan sumalpok ang isang bus sa puno sa gilid ng Andaya Highway sa bayang ito, nitong Sabado.
Ayon sa mga pasahero, mabilis ang takbo ng Fortune Star bus na may 57 pasahero nang mawalan ng kontrol ang driver pagdating sa Brgy. Sinukpin, 9:00 ng gabi.
Dahil dito, nahulog ang bus sa shoulder ng kalsada at nang sinubukang makabalik ay tumama ang likuran nito sa puno ng narra.
Nawasak ang likod ng sasakyan dahil sa lakas ng pagsalpok, ayon sa ulat ni SPO2 Pedro Adulta.
Agad binawian ng buhay sa insidente ang isang babaeng pasahero. Habang sa ospital nalagutan ng hininga ang isang 5-buwan-gulang sanggol at kanyang ina.
Pito sa 11 nasugatan ang nananatili sa ospital, kabilang ang ama ng sanggol.
Kaugnay nito, tumangging magbigay ng pahayag ang 64-anyos bus driver na si Bernardo Paris. Nahaharap siya sa kasong reckless imprudence resulting in multiple homicide and multiple serious physical injuries.
Samantala, nakiusap si Adulta sa Department of Public Works and Highways na ayusin ang aniya’y accident-prone na kalsada.
“Mas mataas ang kalsada kaysa sa shoulder ng mga 10 inches kaya once na mahulog, mahihirapan bumalik,” paliwanag ng pulis.
Galing sa Guian, Eastern Samar ang bus at papunta sa Maynila.