PATAY ang isang hinihinalang tulak ng ilegal na droga at arestado ang walo katao habang bumabatak ng shabu sa magkahiwalay na anti-drug operations ng mga operatiba ng Manila Police District (MPD) sa Tondo Maynila, iniulat ng pulisya kahapon.
Ayon kay MPD Station 1 commander, Supt. Jay Dimaandal, kinilala ang napatay na suspek na si alyas Kenneth, 25-35 anyos, sinasabing dalawang beses nang nahuli ng pulisya sa droga ngunit nakalaya at muling bumalik sa ilegal na gawain, sa Aroma Housing, Brgy. 105, Tondo.
Napag-alaman, dakong madaling-araw kamakalawa, ikinasa ng mga awtoridad ang buy-bust operation laban kay Kenneth sa nabanggit na lugar.
Nakatunog ang suspek kaya pinaputukan ang police undercover ngunit gumanti ng putok ang mga awtoridad na kanyang ikinamatay.
Nauna rito, walo katao ang nadakip ng mga awtoridad nang maaktohan habang bumabatak ng shabu sa bahay ng suspek na si Gerry Arufo sa Maynilad Compound, Brgy. 101, Vitas, Tondo.
Nakompiska sa nasabing bahay ang dalawang improvised shotgun, anim malaking pakete ng hinihinalang shabu, timbangan at drug paraphernalia.
Itinanggi ni Arufo na may kinalaman siya sa nakompiskang droga at baril ngunit idiniin siya ng isa sa nadakip na mga suspek na si Primo Sabala, na aminado sa drug activity sa kanilang lugar.
(BRIAN GEM BILASANO)