MAY nakitang probable cause ang Department of Justice (DoJ) para sampahan ng kaso ang tatlong pulis hinggil sa pagkamatay ng Grade 12 student na si Kian delos Santos sa anti-drug operation sa Caloocan nitong nakaraang taon.
Ayon sa testigo, ang 17-anyos na si Delos Santos, sinasabi ng mga pulis na isang drug courier, ay binugbog ng mga suspek, binigyan ng baril at inutusang tumakbo bago siya pinagbabaril.
Inirekomenda ng DoJ ang paghahain ng kasong murder, pagtatanim ng droga at pagtatanim ng baril laban kina PO3 Arnel Oares, PO1 Jeremias Pereda at PO1 Jerwin Cruz, at police asset na si Renator Perez Loveras.
Ang tatlong police officers na nagsasagawa ng anti-drug operation nang mapatay si Delos Santos, ay sinibak mula sa Caloocan police Station 7.
Inamin nina Oares at Pereda na sila ang mga lalaking nakita sa CCTV habang kinakaladkad si Delos Santos patungo sa isang lugar at pinagbabaril.
Gayonman, itinanggi ito ni Cruz, sinabing ang binatilyong kanilang kinakaladkad ay hindi si Delos Santos kundi isang police asset.