HIGIT na magiging matagumpay ang kampanya ni Pangulong Rodrigo “Digong” Duterte na tuluyang buwagin ang Communist Party of the Philippines kung uunahin nitong pagtuunan ng pansin ang paghabol sa mga kaliwang party-list group sa Kongreso.
Sinasabing ang leftist party-list group sa Kamara ang nagpopondo sa mga underground left partikular na ang NPA, ang armed-wing ng CPP, kung kaya’t patuloy sa pamamayagpag sa mga kanayunan.
Sa ngayon, umaabot sa lima ang leftist party-list group sa Kamara, at binubuo ito ng pitong kongresista. Ang mga ito ay ACT Teachers, Anakpawis, Bayan Muna, Gabriela at Kabataan. Malaking pondo ang nakukuha ng mga grupong ito mula sa budget ng pamahalaan.
Tulad ng mga kongresista sa kani-kailang distrito na inihalal ng taongbayan, milyon-milyong pisong pondo ang nakukuha ng leftist party-list groups taon-taon base sa ipinapasang national budget.
Kamakailan, idineklara ni Digong na kanyang dudurugin ang makinarya ng CPP partikular ang legal front organizations na patuloy na sumusuporta sa mga rebeldeng komunista.
Ayon kay Digong, hinihintay na lamang niya ang desisyon ng Korte Suprema sa kanyang naging proklamasyon na nagdedeklara bilang mga terorsita ang CPP-NPA, at doon ipalalasap niya ang lupit ng kamay ng gobyerno laban sa tinatawag niyang ‘kalaban ng estado.’
At kung tuluyang mapupurga na nga ang mga makakaliwang party-list group sa Kamara, hindi ba mabuting isunod na rin ni Digong ang mga leftist organizations gaya ng KMU, Bayan, KMP, Migrante at iba pang maka-kaliwa at dogmatikong grupo?
Kung tutuusin, panggulo talaga ang mga nasabing grupo na halos lahat ng isyu ay kanilang sinasawsawan makalikha lang ng ingay at makakuha ng atensiyon. Kung titingnang mabuti, front organization naman talaga ang mga grupong iyan ng CPP-NPA, at hindi maipagkakaila ito dahil sa kanilang basura at mabantot na slogan na dala-dala tulad ng imperyalismo, burukrata kapitalismo at pyudalismo.
At tiyak na magtatagumpay itong si Digong sa kanyang gagawing pagwasak at pagbuwag sa CPP-NPA. Hindi na angkop sa panahon ang ideolohiya ng mga komunista sa Filipinas. Marami na ang nagbago sa bansa at hindi na uubra ang taktika at estratehiya ng CPP-NPA para mapabagsak nila ang kasalukyang estado.
Kaya nga, ano na ang raket ngayon ni Joma Sison kung tuluyang mabubuwag ang CPP-NPA? Mukhang mamamatay na lamang si Joma sa ibang bansa at hindi sa kanyang tinubuang-lupa.
Pero kung ako ang tatanungin, mas gugustuhin kong makauwi si Joma sa Filipinas. Marami siyang dapat panagutan lalo ang mga “Kasama” na inosenteng kanyang ipinapatay dahil sa mababaw na kadahilanan.
Sa YS, urban poor, labor, ilan ba ang ipinapatay ni Joma?