BILANG isang dating opisyal ng Unyon ng mga Manunulat sa Pilipinas (UMPIL), nais kong ibahagi sa lahat ang pahayag ng aming samahan na inilabas nitong Enero 18, 2018:
TINDIG NG KALUPUNAN NG UNYON NG MGA MANUNULAT SA PILIPINAS (UMPIL) HINGGIL SA PAGSUPIL NG ADMINISTRASYONG DUTERTE SA KALAYAAN SA PAMAMAHAYAG
For freedom is not simply the absence of restraint, it is above all the responsible exercise of individual initiative in pursuit of truth and human excellence.
—Chief Justice Claudio Teehankee, “The Courts and the Press”
Nakababagabag ang panggigipit ng administrasyong Duterte sa ahensiyang pambalitaang online na Rappler.com.
Sa pagpapawalang-bisa ng Securities and Exchange Commission sa rehistrasyon nito dahil sa paglabag umano sa mga tuntunin ng pagmamay-ari at kontrol ng pangmadlang midya, sinisimulan na ng administrasyon na lumpuhin ang mapagmatyag na Rappler.com habang patuloy na pinararatangang tagapagpakalat ng fake news.
Isa itong malaking parikala, lalo na’t sa bakuran mismo ng Malacañan, nagpipista ang mga tagapagpasabog ng pagkamangmang at pagkalito sa taumbayan. Ito na ang pinakamatinding pag-atake sa midya ng administrasyong unti-unting lumalabas ang tunay na awtokratikong kulay. Ibig lámang nitong marinig ang ibig marinig. Higit pang masamâ, ibig din nitong matakot at tumiklop ang lahat ng nagmamahal sa demokrasya.
Hiráp marahil ang Palasyo na harapin ang mga katotohanan hinggil sa mga ipinagmamalaking ‘tagumpay’ nito, kayâ’t ang nakikitang solusyon ay busalan ang mga tumutuligsa sa mga anti-demokratiko at kontra-mamamayang patakaran nito, lalo na ang pangmadlang midya. Hindi maláyong magtagumpay ito kung tuluyang mapapaslang ang kalayaan sa pamamahayag. Hindi maláyong magtagumpay ito kung hahayaan na lámang gipitin ang mga mamamahayag.
Hindi ito oras ng pananahimik.
Hindi kailanman mananahimik at matatahimik ang Unyon ng mga Manunulat sa Pilipinas sa ganitong kalakaran. Naninindigan ang UMPIL para sa kabanalan ng karapatan sa pamamahayag, at sa pagtatanggol sa halaga ng pangmadlang midya bílang ikaapat na estado ng isang demokratikong lipunan. Kailangan ng isang malusog na demokrasya ang mga tagapagbantay at tagapagtaguyod ng katwiran. Mahalagang tanod-bayan ang pamamahayag.
Nakikiisa ang UMPIL sa mga mamamahayag at ahensiyang dumaranas ng iba’t ibang anyo ng panggigipit, lalo sa social media na kasalukuyang larang ng maraming tunggalian, kabilang ang mga iresponsable’t walang-batayang pala-palagay. Nakikiisa ang UMPIL sa lahat ng patuloy na naninindigan para sa paggalang sa mga demokratikong institusyon at sa pagtataguyod ng tuntunin ng mga batas.
Nakikiisa rin ang UMPIL sa lahat ng Filipinong nananalig sa karapatang pantao at kolektibong pamamahala, kung saan higit na mahalaga ang bayan bago ang sarili.
Para sa UMPIL, lalaging magkahanay ang panitikan at pamamahayag sa ganitong adhikain, at itinuturing nitong sagradong tungkulin ang ipagtanggol ang batayang kalayaang ito at labanan ang anumang tangkang supilin ito. Naninindigan ang UMPIL na hindi kailanman magiging katanggap-tanggap ang isang kairalang walang katarungan at ang sistematikong pagpapalaganap ng sindak at paglimot.
Nananalig ang UMPIL sa diwa ng kalayaan, di lámang bílang batayang karapatan kundi bílang susi sa kagalingang pambayan, katarungang panlipunan, at kaunlaran para sa lahat. Nása ubod ng demokrasya ang kalayaan sa pamamahayag. Nananawagan ang UMPIL sa lahat ng mga manunulat at mga alagad ng sining na huwag manahimik at sa halip ay manindigan upang ilantad at tuligsain ang pagsupil sa kalayaan sa pamamahayag.