HIRAP na hirap makausad ang impeachment laban kay Supreme Court chief justice Maria Lourdes Sereno.
‘Yan po ang tingin natin sa huling pagdinig na napanood ng inyong lingkod.
Noong una nga ay pinagtitiyagaan nating panoorin ang nasabing hearing pero dakong huli ay naumay na rin tayo sa paulit-ulit at walang sustansiyang pagdidiin sa Punong Mahistrado.
Kumbaga sa prutas, may budbod na kalboro ang impeachment laban kay Sereno para mahinog. E alam naman ninyo kapag hinog sa pilit — mapakla at mapait — kung may tamis man ay pilit na pilit.
Pati ba naman ‘yung biyaheng business class at bakasyon sa Boracay ay iniisyu pa kay CJ Sereno?!
Bakit ano ba ang tingin ninyo kay CJ Sereno, poor?!
Bago pa man italaga ng dating pangulo na si Noynoy Aquino si Sereno bilang Chief Justice ay napakaganda na ng kanyang karera.
Produkto ng pampublikong paaralan si CJ Sereno noong elementary at high school. Nagkolehiyo sa Ateneo de Manila sa kursong economics at nagtapos na Valedictorian sa College of Law ng University of the Philippines noong 1984, at Masters of Laws sa University of Michigan noong 1993.
Pero hindi lang sa akademya nagpakita ng husay at galing si CJ Sereno. Excellent din ang kanyang karera bilang abogado.
Hindi tayo pro-Sereno.
Nanghihinayang lang tayo sa panahon, proseso at baka pati pondo na nauubos nang walang kapararakan sa pagdidiin kay CJ Sereno para mapatalsik sa Supreme Court.
Sa nakikita nating itinatakbo ng pagdinig, mukhang mayroon lang namamansing at umaasang makahuhuli ng ‘malaking isda.’
Mantakin ninyo, namansing lang, pero nakabingwit nang malaking isda?!
Wattafak!
Hindi tuloy natin maiwasang muling maalala sa ating isipan ang naganap sa mga dating Gabinete ni dating Pangulong Gloria Macapagal Arroyo na sina retired General Angelo Reyes, dating Executive Secretary Larry Mendoza at dating Chief Justice Renato Corona na pawang biktima ng mga politikong mabilis pa sa Hunyango kung magpalit ng kulay at hilatsa.
May they all rest in peace para hindi magmulto sa mga taong may kagagawan ng kanilang kinasapitan…
Tsk tsk tsk.
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0977.705.22.31 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com
BULABUGIN
ni Jerry Yap