LIBO-LIBO na naman ang nagsilikas at ngayon ay nasa evacuation center dahil sa pagsabog ng bulkang Mayon nitong Lunes. Nasa alert level 4 pa rin ang paligid ng Mayon, na ang ibig sabihin ay posibleng magkaroon pa nang mas matinding pagsabog. Dahil dito, mas lalong lumaki ang danger zone, mula sa dating anim na kilometro ay naging walo na ito, kaya ‘yung mga dating ‘di pa apektado ng alboroto ng Mayon, ay kasama na ring lumikas para hindi abutin ng panganib.
Sa ganitong mga panahon, dito nakikita at nararamdaman ang tunay na pagkatao nating mga Filipino. Ang nakagisnan nating bayanihan, ay buhay na buhay. Naroroon ang pagkalinga sa kapwa dahil sa pagtutulungan sa kabila ng mga hindi inaasahang sitwasyon.
Tunay nga na buhay na buhay ang “bayanihan” sa ating mga Filipino sa ganitong mga pagkakataon, isang tatak-Pinoy na hindi na yata talaga maiaalis sa atin kahit pa anong klaseng problema ang suungin natin.
Kaya ngayon palang ay nananawagan na tayo sa ating mga kababayan, na muling buhayin ang espiritu ng bayanihan. Ialay ang ating mga kamay sa pagtulong sa mga kababayan nating nangangailangan — sila na ilang daang libo na nasa evacuation center at naghihintay ng mga pansamantalang pangangailangan gaya ng pagkain, tubig, damit, gamot at kung ano-ano pa. Bigyang-atensiyon higit sa lahat ang pangangailangan ng matatanda at mga bata sa ganitong panahon ng krisis.
Higit sa lahat sana ay manguna ang pamahalaan sa bayanihang ito, para maisalba ang buhay at kabuhayan ng maraming mga Bicolano na masasalanta ng pagsabog ng bulkang Mayon.