ABA mahihiya ang ‘dike’ na ginawa sa Pampanga noong kasagsagan ng pag-agos ng lahar mula sa Mt. Pinatubo, sa mga papeles na nakapatong sa mesa ng isang manyakol na opisyal ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) at hindi na umusad.
Wattafak!
Wish lang natin na isang araw ay mapunta riyan si Pangulong Rodrigo “Digong” Duterte sa opisinang ‘yan para makita niyang mayroong opisyal na binabalewala ang kanyang utos na pabilisin ang serbisyo sa maliliit na mamamayan.
Bibilis lang daw ang pirmahan sa papeles na ‘yan kapag nanghimasok na ang isa pang major, major problem sa LTFRB na siyang pumapagitna sa mga kliyenteng nagpapalakad ng papel.
At mukhang ‘yun ang ultimong layunin ni LTFRB official na kung tawagin ay ‘Tsuktsak’ dahil sa kamanyakan.
Mukhang talagang sinasadya niyang binbinin ang paglakad ng mga papel para pagkakitaan ng kanyang ‘tirador’ na si major, major problem.
Anyway, Mr. LTFRB official alyas Tsuktsak, mukhang wala ka naman talagang ginagawa riyan.
Lahat ng trabaho at problema diyan sa LTFRB ay mukhang ipinakarga na lang kay Atty. Aileen Lizada.
Mas mabuti sigurong, si Atty. Lizada na ang gawing hepe dahil hanggang ngayon e hindi pa rin ma-locate ni LTFRB chief, Atty. Martin Delgra III, ang opisyal na manyakol, isang opisyal na taga-Region IV-A na nagpapaagwa ng building sa Tacloban at ang major, major problem na namumunini sa nakabinbing mga papeles.
Gusto yata ni Atty. Delgra ay mismong si Secretary Tugade pa ang tumulong sa kanya sa paghahanap ng mga opisyal na ‘yan?!
Ano kaya ang palagay ni Mr. Tsuktsak?!
CON-ASS NG KAMARA
IISNABIN NGA BA
NG SENADO?
HINDI pa man ay nag-uumpisa na ang iringan sa pagitan ng Kamara at Senado dahil sa isyu ng pag-amiyenda sa Konstitusyon.
May kanya-kanya nang pahatiran ng mensahe ang mga mambabatas sa Kamara at sa Senado lalo sa hanay ng mga namumuno.
Nagbanta sina senators Franklin Drilon at Ping Lacson na kahit sinong senador ang dumalo sa Kamara para sa Constitutional Assembly o Con-Ass ay kanilang patatalsikin.
Pero mabilis silang sinalag ni House Speaker Pantaleon Alvarez na imposible raw iyon dahil duly elected official ang mga senador.
Hindi nga naman uubra ang mga pagbabantang patatalsikin.
Ang nangyayari tuloy hindi naililinaw sa mga mamamayan kung ano ang tunay na isyu. Mas kumikintal sa isip ng mamamayan ang iringan sa pagitan ng mga mambabatas.
Sa panahon ngayon, mas mainam na maipaliwanag sa mamamayan kung bakit may Con-Ass lalo sa hanay ng kabataan.
Dapat mailinaw ito sa mga mamamayan para makita nila kung ano ang pros and cons kung bakit aamiyendahan ang Konstitusyon.
Mga kagalang-galang na mambabatas, puwede ba magpaliwanag muna sa mamamayan bago kayo magpagalingan?!
Huwag kayong magpalusot!
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0977.705.22.31 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com
BULABUGIN
Jerry Yap