HINDI maganda ang balitang pagpapasara sa news portal na Rappler, nitong nakalipas na dalawang araw, base sa
order na inilabas ng Securities and Exchange Commission.
Lalong nalalagay sa alanganin ang imahe ng administrasyong Duterte dahil sa ginawang utos ng SEC laban sa Rappler na kilala namang isang news organization na kritikal sa kasalukuyang pamahalaan.
Kaya nga, hindi malayo na ang nakikita o nababasa ngayon ng publiko ay may impluwensiya ni Pangulong Rodrigo “Digong” Duterte sa ipinalabas na order, lalo pa’t noong isang taon ay tila may pagbabanta ang pangulo na kesyo ipasisilip o paiimbestigahan ang Rappler dahil ito umano ay pag-aari ng banyaga.
Bagama’t may sinasabing may mga paglabag na ginawa ang Rappler, hindi maaaring maging tugon ng pamahalaan dito ay biglaang pagkakansela sa rehistrasyon ng nasabing news organization.
Kahit saang anggulo ito tingnan, hindi maitatago na may bahid ng pangha-harass ang ginawang ito ng SEC, isang bagay na hindi dapat ipinaiiral sa isang bansa na sinasabing demokrasya ang nangingibabaw.
Hindi maitatanggi na isang uri ito ng pagsikil sa malayang pamamahayag. Nakapangangamba ang ganitong mga sitwasyon.
Ano kaya ang kinakaharap ng Philippine media ngayon?