NOONG araw, ang kasabihan, basta ang isang artista ay lumabas na bakla sa pelikula, hindi na halos siya makawawala sa ganoong image. Magkakasunod-sunod na iyan. Kung sabihin nga nila noon, dalawang artista lamang na lumabas na bakla ang hindi “napagbintangan”, sina Mang Dolphy at direk Eddie Garcia. Lahat halos hindi na nakabawi.
Pero sa panahong ito, huwag lang siguro sagad at paulit-ulit mong gagawin, nakawawala pa rin naman ang ganoong image ang isang artistang lalaki.
Napag-usapan iyan noong isang araw dahil katatapos lamang niyang gumawa ng isang role na bakla, ngayon bakla na naman si Joross Gamboa sa pelikula nilang Dalawang Mrs. Reyes. Gumanap siyang asawa ni Judy Ann Santos na isang closet gay sa pelikula.
Ang maganda nga lang para kay Joross, bagama’t nagkakasunod-sunod ang kanyang roles na bakla sa ngayon, tanggap siya ng mga tao bilang isang actor, at alam nila na ginagawa lamang niya ang kanyang role. At saka isa pa, siguro kasi wala namang “questionable image” si Joross sa totoong buhay. May asawa na siya at dalawang anak. Ni minsan wala namang naging tsismis na kung ano sa kanya. Nagkaroon nga siya ng isang video scandal, pero walang duda na ang ka-chat niya sa scandal na iyon ay isang babae. Naging pantasya nga siya ng mga bading dahil doon.
Sa panahong ito, hindi na talaga masasabing totoo iyang typecasting, maliban na lang kung may tsismis talaga. Kahit na hindi ka gumawa ng role ng bading, basta may tsismis, aba eh paniniwalaan ng mga tao na talagang bading ka. Hindi ba ang dami namang mga artistang lalaki ngayon, hindi pa man gumagawa ng pelikula o tv show na bading ang role, ang paniwala nila bading talaga? Hindi ba naman Tita Maricris?
DANIEL PADILLA,
SURE NA NGA BANG
BOX OFFICE KING?
ANG bilis naman nilang magsabi na dahil sa pelikula niya noong nakaraang MMFF, si Daniel Padilla na ang siguradong box office king. Aba teka muna, eh ano ang gagawin ninyo kay Vice Ganda? Hindi ninyo puwedeng gawing box office queen iyang si Vice Ganda. Tsitsinelasin ko kayo basta ipinilit ninyo iyan.
Doon sa pelikula nila, walang dudang ang credits sa box office ay inangkin na ni Vice Ganda at si Daniel lumabas na suporta na lamang. Kaya kung iyan ang basehan, ang box office queen ay si Pia Wurtzbach dahil siya ang leading lady sa pelikula, pero papayag ba naman ang mga kritiko? Si Pia ay sabit lang din naman sa pelikulang iyan, at kikita rin nang ganyan kahit na wala si Pia.
At saka isa pa, sino ba naman ang nagdedeklara ng title na iyan? Hindi ba fund raising lang naman iyon para sa scholars? Kung may magdedeklara ng ganyan, dapat iyong theater owners.
HATAWAN
ni Ed de Leon