IPATUTUPAD na ng Bureau of Internal Revenue (BIR) ang entrance fee o qualifying fee sa mga casino.
Ayon sa National Tax Research Center (NTRC), mayroon nang kinokolektang P100 ang Philippine Amusement and Gaming Corp., (PAGCOR) sa mga pumapasok sa Casino at maaari umano itong gawing P500.
Maaari rin umanong hanggang P1,500 ang ipataw na entrance fee.
Sa ganang atin, mas mainam ngang patawan ng mas mataas na qualifying fee o entrance fee ang mga pumapasok sa mga Casino.
Masyado kasing nakararahuyo sa mga tambay sa mga Casino na kahit P1,000 o P2,000 ang pera sa bulsa ay ipinangsusugal pa.
May mga Casino gaya ng Solaire na mayroong P200 lowest bet. Mantakin ninyo, ipapamalengke na lang, ilalaro pa sa Casino?!
Kung hindi tayo nagkakamali, maraming Casino na nasa ilalim ng PAGCOR ay plano nang ibenta ng pamahalaan.
Napansin kasi ng NTRC na mula 2005 ay malaki ang ibinagsak ng kita ng mga Casino.
Mabigat na kasi ang kompetisyon. Nariyan ang mga bago at pribadong casino-hotel na dinarayo ng mga foreign junketeers gaya ng Solaire, Okada at Resorts World Manila.
Alam n’yo naman ang Casino-goers, kung alin ang bago ‘yun ang dadayuhin. Kaya kung ipupursige ang pagpapataw ng qualifying fee o entrance fee makatutulong ito nang malaki hindi lamang sa mga Casino kundi maging sa mga mahilig tumambay sa Casino kahit wala naman silang pang-Casino.
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0977.705.22.31 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com
BULABUGIN
ni Jerry Yap