KINONDENA ni Senador Panfilo Lacson ang pahayag ni House Speaker Pantaleon Alvarez na mabagal ang Senado at tila pinamamadali sa pagsusulong ng pag-amiyenda ng batas patungo sa Federalismo.
Iginiit ni Lacson, walang sinoman ang maaring magdikta sa Senado sa mga ginagawa nitong mandato.
Aniya, hindi maaaring diktahan ni Alvarez o ni Senate President Aquilino Pimentel III o ni Pangulong Rodrigo Duterte, ang mga kasamahan sa Senado.
Sinabi ni Lacson, ang naging hakbang o pahayag ni Alvarez ay isang “unparliamentary conduct” dahil ang Senado ay nagtatrabaho nang hiwalay sa mababang kapulungan ng Kongreso.
(CYNTHIA MARTIN)
SENADO, KAMARA
WALANG SIGALOT
INAABANGAN ang posibleng salpukan ng ilang mambabatas sa Mababa at Mataas na Kapulungan ng Kongreso.
Ngunit ayon kay Senate President Aquilino “Koko” Pimentel III, walang namamagitang sigalot sa dalawang kapulungan.
Nag-ugat ang isyu dahil sa kritisismo ni House Speaker Pantaleon Alvarez na “mabagal na kapulungan” ang Senado pagdating sa pagpasa ng mga panukalang batas.
Ayon kay Pimentel, hindi dapat palakihin ang isyu dahil alam nilang kaya natatagalan ang proseso ng mga ginagawang batas sa kanilang panig ay upang matiyak ang kalidad at ikinokonsidera ang lahat ng stakeholders at mga isyu.
Ngunit hindi kontento sa pahayag na ito si Senate Minority Leader Franklin Drilon, sinabing panghihimasok ito sa mga proseso ng kanilang kapulungan.
Maging ang ibang nasa minority bloc ay nagulat at nasaktan sa mga negatibong pahayag ng pinuno ng Mababang Kapulungan.
(CYNTHIA MARTIN)