KUNG hindi pa makahuma sa kanilang pagkagitla ang naulilang pamilya ni Dr. Gerry Ortega, ano naman kaya ang pakiramdam ni Presidential spokesperson Secretary Harry Roque na tumayong abogado ng biktima sa desisyon ng Court of Appeals?
Sabi nga, the decision of Court of Appeals is like a thief of the night. Isang magnanakaw na dumarating sa oras na hindi inaasahan.
Kung nagulantang, nagdalamhati at nagluksa ang pamilya Ortega nang ‘nakawin’ ng mga kriminal ang buhay ng kanilang padre de familia noong 2011, ngayon naman ‘kapayapaan na nakasalig sa katarungan’ ang dinambong hindi lamang sa pamilya ng biktima kundi sa sambayanan.
Sa pagkakataong ito, hindi mga kriminal ang ‘nandambong’ kundi isang judicial institution — ang Court of Appeals (CA).
Mantakin ninyo, mismong ang Supreme Court ay nakita sa mga ebidensiya na may pananagutan si dating Palawan governor Joel Reyes sa kaso ng pagpaslang kay Doc Ortega pero pagdating sa Court of Appeals ay tuluyang nabaliktad?!
Sonabagan!
Sabi nila wala na si Madam Lerma, e bakit buhay pa rin ang kakaibang ‘kalakaran’ sa CA?
Mga suki, kami man ay biktima po ng makapangyarihang “CA.”
Mayroon kaming kaso ng Libel na matagal nang na-dismiss. Pero gaya ng pamilya Ortega, nagitla, nagulat at na-shock din kami nang matuklasan namin na binaliktad ng CA ang de-sisyon.
Tsk tsk tsk…
Para talagang isang ‘magnanakaw sa hatinggabi’ ang CA.
Bibiglain ka at matutuklasan mo na lang isang mahalagang bagay ang dinambong sa iyo.
Ano kaya ang pakiramdam at masasabi ngayon ni Secretary Harry Roque?
Hindi naman kaya feeling mag-asawang sampal ang inabot niya sa desisyon ng CA?!
Araykupo!
Ang tanong, kanino pa magtitiwala ang sambayanan kung maging ang institusyong gaya g CA ay hindi na maasahang magdesisyon nang parehas at may katarungan?
Paano na mga kagalang-galang na Mahistrado!?
PEACE & ORDER
KAYA BA TALAGA
NI GEN. BATO?
SUNOD-SUNOD na naman ang holdapan at patayan na naganap nitong mga nakaraang araw.
Ang pinakahuli, ang isang barangay chairman ng Pasay City na pinaslang 4:30 ng hapon nitong nakaraang Biyernes sa Malate sa kanto ng Pablo Ocampo St., at F.B. Harrison, ilang metro lang ang layo sa Manila Police District (MPD) Malate station (PS9).
Isang hotel sa Pasay na pinasok ng mga holdaper at pati ang mga customer ay nadamay.
At ang classic ha, pati gotohan hinoholdap na rin?!
Wattafak!?
Bukod pa ‘yan sa araw-araw na holdap sa maliliit na pasahero ng jeepney.
Aba, Philippine National Police (PNP) chief, Director General Ronald “Bato” dela Rosa, naipatutupad bang talaga ang peace & order sa Metro Manila?!
Namo-monit0r mo ba talaga ang galaw ng mga lespu mo?
Nasaan ang mga pulis ninyo bakit tila napakalakas pa ng loob ngayon ng mga ‘pusakal na kriminal’ na mang-agrabyado ng mga nananahimik na mamamayan?
General Bato, Sir, baka naman naging ‘bodyguard’ for VIPs na karamihan ng mga pulis ninyo kaya wala nang natira para labanan ang laganap na kriminalidad sa Metro Manila lalo sa Maynila at iba pang bahagi ng bansa?!
Nagtatrabaho pa ba sila, DG Bato?!
O naghihintay na lang sila ng araw ng pagreretiro ninyo?!
Hala?!
MAGING MAINGAT
SA TRASLACION
NG ITIM
NA NAZARENO
NGAYONG araw ang Traslacion ng Mahal na Poong Nazareno.
At gaya nang dati, libo-libong deboto ang lumalahok dito.
Paalala lang po sa mga sasama at lalahok sa Traslacion, ingat lang po, huwag na magsama ng maysakit at mga bata, ipagdasal na lang ninyo sila.
Higit sa lahat magtuon po kayo sa inyong debosyon bago kayo mag-selfie-selfie o groufie-groufie para maiwasan ang untoward incidents.
Sa lahat ng deboto, ingat po at nawa’y sama-samang ipagdasal ng daan-daan libong deboto ng Poong Nazareno ang kapayapaan at pag-unlad ng ekonomiya ng ating bansa.
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0977.705.22.31 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com
BULABUGIN
ni Jerry Yap