NANGANGAMOY na parang mabahong basura ang Kamara kung ikokompara sa Senado.
Ang ibig sabihin, kung performance at liderato ang pag-uusapan, higit na mayroong maipagmamalaki ang mga senador kaysa mga kongresista.
Kaya nga, hindi dapat ipagmayabang nitong si Speaker Pantaleon Alvarez na marami silang naipasang panukalang batas o resolusyon dahil nasusukat ang performance ng lehislatura sa pamamagitan ng kalidad ng mga naipapasang batas.
Sa kasaysayan ng Mababang Kapulungan ng Kongreso, maituturing na pinakamagulo at pinaka bastos ang Kamara ngayon sa pamumuno ni Alvarez.
Hindi ito kinakitaan ng mabisa at maayos na liderato bagkus ipinaiiral nito ang kamay na bakal, bukod sa hindi kayang mapagkaisa ang mga miyembro ng Kamara.
Sa ilalim ng pamunuan ni Alvarez, ang kabastusan nito ay naipakita nang aminin niyang mayriin siyang ‘kabit’ habang legal pa siyang kasal sa kanyang misis na si Emelita.
Sa halip na atupagin ang pagpapasa ng mga kalidad na batas, ang pakikipag-away sa kapwa kongresista ang kanyang ginawa.
Tama ang sinabi ni Senate President Aquilino Pimentel III na “thinking chamber” ang Senate at hindi basta-basta nagpapasa ng mga panukalang batas kung hindi rin lamang masasabing matinong batas na kapaki-pakinabang sa taongbayan lalo na kung ito ay tuluyang ipatutupad.
Ang kapal ng face nitong si Alvarez nang sabihin na “8” ang grado ng Kamara sa scale na 1 to 10 at 10, kung performance ang pag-uusapan. Hindi na naisip ni Alvarez ang kahihiyang ginawa niya kay Pangulong Rodrigo “Digong” Duterte nang sibakin niya si dating Pangulong Gloria Arroyo sa kanyang chairmanship, at ipakulong ang “Ilocos 6” na pawang kaalyado ni Ilocos Norte Governor Imee Marcos.
Sabi nga, saan kumukuha ng kapal ng mukha itong si Alvarez? Hindi pa ba sapat ang SWS at Pulse Asia survey na lagapak ang kanyang performance rating noong Oktubre?
Ang trust rating nitong si Alvarez sa survey ng Pulse Asia ay bagsak sa 31 percent mula sa 41 percent at ang approval rating naman ay 33 percent na dating 43 percent.
Ganoon din ang kanyang performance rating sa SWS na mula sa 34 percent ay sumadsad sa 26 percent. Ito ang itinuturing na pinakamababang nakuha ni Alvarez bilang speaker ng Kamara noong nakaraang taon.
Hindi ba ang performance ni Alvarez ay repleksiyon lamang ng kanyang pamamalakad sa Kamara?
Kung tutuusin, hindi lamang si Alvarez ang dapat sisihin kung bakit sadsad ang performance ng Kamara kundi pati ang kanyang alalay na si Majority Floorleader Rodolfo Fariñas. Marami rin kapalpakan ang isang ito na sa huli ay si Digong ang nasisisi.
Bagamat maraming naging matagumpay na tanggapan at ahensiya ang kasalukuyang administrasyon nitong nakaraang 2017, abangan na lang natin ang gagawing “purging” ni Digong sa ilang tanggapan na nagbibigay ng sakit ng ulo at kahihiyan sa pangulo.