MUKHANG hindi pa magtatapos ang “FPJ’s Ang Probinsyano” ngayong January at marami pang makababangga si Cardo Dalisay (Coco Martin) na isa-isa nang pinaghahanap ng kanyang masasamang kaaway sa pangunguna ni Don Emilio (Eddie Garcia), Sen. Mateo de Silva (Joko Diaz) at magkasabwat na sina Director Renato Hipolito (John Arcilla) at Alakdan (Jhong Hilario).
Para lumabas sa kanyang lungga si Cardo ay ginamit na pambala ni Sen. De Silva si Regine (Angeline Quinto) na kanyang ipinadukot sa mga tauhan na agad namang kumanta kung saan ang kinaroroonan ni Cardo at ng Pulang Araw pero hindi nagtagumpay ang grupo sa pagsugod nila sa lugar dahil agad nakatakas si Dalisay kasama ang kaibigang si Leon (Lito Lapid) at mga kagrupo niyang rebelde.
Samantala, balik-teleserye naman si Julia Montes sa “Asintado” na tulad ni Coco sa “Ang Probinsyano” ay action din ang peg ng character na gagampanan ng magandang Kapamilya actress. Dito ay maghihiganti siya sa kapatid na si Shaina Magdayao at Paulo Avelino sa tulong ni Aljur Abrenica na nagturo sa kanya kung paano gumamit ng baril at maging asintado.
Mapapanood na ngayong January 15 sa Kapamilya Gold ang bagong handog na teleserye ng Dreamscape Entertainment na pinamamahalaan ni Sir Deo Endrinal.
“The Good Son” pinuri
sa maiinit na rebelasyon…
SAKIT SA UTAK
NI NASH IKINAGULAT
AT PINAG-USAPAN
NG MANONOOD
ISANG malaking pasabog ang inihandog ng “The Good Son” noong Martes (Dec 26) matapos makompirma ni Enzo (Jerome Ponce) na mayroong schizophrenia ang kapatid niyang si Calvin (Nash Aguas) – isang rebelasyon na maaaring magdiin sa kanya sa kaso ng pagkamatay ng kanilang ama.
Nabisto ni Enzo ang kondisyon sa pag-iisip ni Calvin nang makita niya mismong nakikipag-usap ang kapatid sa matalik na kaibigang si Justine (Alexa Ilacad), na lingid sa kaalaman ni Calvin ay gawa-gawa lang ng kanyang imahinasyon. Kaya imbes maibsan ang sakit na dinadala dulot ng lumalalang problema ng kanilang pamilya, takot at sindak ang nangibabaw kay Calvin nang maputol ang guni-guni niya sa tulong ni Enzo at matagpuan ang sarili sa isang inabandonang bahay kasama ang kapatid.
Dahil sa panibagong rebelasyon ng palabas, naging mainit ang pagtanggap ng mga manonood sa episode matapos magkamit ang serye ng national TV rating na 19.7%, kompara sa “My Korean Jagiya” na mayroon lamang 11.8%, ayon sa datos ng Kantar Media. Pinag-usapan din ang serye sa social media matapos manguna ang official hashtag ng palabas na #TGSJustine sa trending topics sa Twitter.
At sa sobrang dami ng viewers ay umabot sa 28% ang rating ng nasabing soap. Lubos na hinangaan ng mga manonood ang naging takbo ng kuwento at ibinahagi ang kanilang mga papuri online.
“Kakapanood ko lang ng TGS at ang masasabi ko lang ay ibang klaseng aktor si Nash Aguas! Convincing siya sa kanyang role,” sabi ni @viewerfaney. “Wow ‘The Good Son!’ Hindi ko akalaing mahu-hook ako sa show na ‘to. Ibang klase ang storyline,” tweet naman ni @xfujoshidesu. “Tinalakay ng ‘The Good Son’ ang dyslexia at schizophrenia. Intense ang plot twist. Ang galing ng mga batang aktor at ng production,” papuri ni @hypertean.
Mababago na nga ang takbo ng imbestigas-yon ngayong nabulgar na ang kondisyon ni Calvin na maaaring magdiin sa kanya bilang suspek sa pagkamatay ni Victor?
Dagdag pa rito ang pagkasiwalat na anak siya ni Olivia sa kanilang driver na si Dado, na lalong magiging sanhi ng pagdududa ng mga awtoridad. Si Calvin nga ba ang pumatay kay Victor? Paano niya matatanggap na si Justine ay hindi totoo at gawa-gawa lamang ng kanyang karamdaman?
Huwag palampasin ang kakaibang kaso ng pagmamahal para sa pamilya sa “The Good Son,” gabi-gabi pagkatapos ng “La Luna Sangre” sa Primetime Bida ng ABS-CBN.
Para sa karagdagang impormasyon, pumunta lamang sa fb.com/ dreamscapeph at i-follow ang @DreamscapePH sa Twitter at Instagram.
VONGGANG CHIKA!
ni Peter Ledesma