NAPAKAHUSAY ng naitalang track records ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa kanilang isinulong na giyera kontra droga sa loob ng unang 100 araw, alinsunod sa atas ni Pangulong Rodrigo “Digong” Duterte.
Ang sabi ng Pangulo, ‘patayin’ (read: puksain) ang malaganap na ilegal na droga sa buong bansa.
‘Patayin’ (read: dakipin) ang mga bigtime pusher at mga user na nagiging instrumento ng iba’t ibang uri ng krimen.
Nakatutuwa na ang kasalukuyang director general ng PDEA na si Aaron Aquino, ay hindi ‘literal’ na inunawa ang ibig sabihin ng Pangulo sa pronouncement na ‘patayin.’
Ang ‘patayin’ sa bibig ni Pangulong Digong ay nagluwal ng iba’t ibang kulay at interpretasyon base kung paano ipinatupad ng kanyang mga ‘lieutenant’ ang kanyang utos, partikular sa giyera kontra droga.
Kung noong panahon na nasa Philippine National Police (PNP) pa ang ‘timon’ sa pagsusulong ng giyera kontra droga ay marami ang bumulagta pero mabibilang sa daliri ang mga naaresto, ngayon sa ilalim ng PDEA ay mas marami ang nadakip at nakompiskang droga at kung may bumulagta man, nananatili ang kuwestiyon kung sino ang utak.
Naniniwala kasi ang maraming law enforcement agency na ang pumapatay ay sindikato rin ng droga.
Sa ulat ng PDEA nitong 27 Disyembre, nakapagsagawa sila ng 3,476 operations, nakakompiska ng P228.81 milyong halaga ng droga at “non-drug” evidence, at nakaaresto ng 1,321 suspects ngunit walang ulat na may napaslang.
‘Yan ay mula 12 Setyembre 2017, nang maupo si Aquino sa PDEA bilang kapalit ng ngayon ay Customs Commissioner Isidro Lapeña, hanggang 20 Disyembre.
Isang buwan matapos maupo si Aquino, idineklara ni Tatay Digong nitong 11 Oktubre, ang PDEA na muna ang hahawak ng problema sa droga.
Ito ang ikalawang pagakkataon na binawi ng Pangulo sa PNP ang pagtimon sa giyera kontra droga.
Una ay noong Enero matapos mabunyag na sangkot ang mga pulis sa pagdukot at pagpaslang sa Korean businessman na si Jee Ick-joo, na pinaslang sa loob mismo ng Camp Crame.
At gaya noong una muling ibinalik ng Pangulo ang PNP sa kampanya kontra droga nitong 5 Disyembre pero nanatili ang PDEA bilang lead agency.
Alam ba ninyong sa 100 araw na pamumuno ni Aquino sa PDEA, nakakompiska ng 36,705.61 gramo ng methamphetamine hydrochloride o shabu; 16,629.46 gramo ng pinatuyong dahon ng marijuana; 4,343 marijuana seedlings; 50,000 gramo ng marijuana stalks; 1,183.46 gramo ng cocaine; 54 piraso ng ecstasy, at 1.10 ng GHB (kilala bilang ‘date rape drug’ or liquid ecstasy).
Nakapaghain na rin sila ng 2,063 kaso laban sa mga sangkot sa ilegal na droga.
Naaresto ang 331 high-value targets kabilang ang anim foreigners, 15 elected officials, seven uniformed personnel, 21 government employees, 52 drug group members, three armed group members, 19 listed personalities, 24 drug den maintainers, at 184 iba pa.
Alkalde ang pinakamataas na posisyon ng government official na sinabing sangkot sa droga at nadakip.
Isa pang HVT ang naaresto na nakuhaan ng 20 gramo ng shabu sa buy-bust operation sa BF Homes, Parañaque City.
Ang PDEA rin ang dahilan ng isinagawang ‘paglilinis’ sa Correctional Institution for Women sa Mandaluyong City na nakuhaan ng 183 grams ng shabu, drug paraphernalia at iba pang kontrabando mula sa kulungan ni convict Yu Yuk Lai.
Nang araw ding iyon, ang kanyang anak na babae, na si Diana Yu, ay naaresto sa San Miguel, Maynila at 682.92 kilo ng shabu ang nakuha sa kanya.
Mayroon pang dalawang Nigerian na naaresto sa Cavite, at isang Colombian drug mule na nakuhaan ng 79 pellets of cocaine sa tiyan, at 11 suspeks, kabilang ang isang estudyante, sa Seda Hotel, Bonifacio Global City.
Umabot na sa 547 barangays ang idineklarang drug-free sa ilalim ng Barangay Drug Clearing Programs sa unang 100 araw ni Aquino. Drug-free na rin umano ang Romblon province at Tacloban City.
Plano rin magtayo ng Balay Silangan ng PDEA, isang reformation center para sa “voluntary drug surrenderees” na may livelihood and training components; after care services; at, social reintegration programs sa pakikipag-ugnayan sa government at non-governmental organizations.
PDEA director general Aaron Aquino Sir, binasa lang namin ang achievements at program ninyo ay hiningal na kami, e ‘di lalo na kung kami ang gumawa niyan?!
Hindi biro at lalong hindi laro ang trabaho ninyo. Nagpupuksa ng salot na ilegal na droga habang sinusubukang iligtas ang mga ‘lulong’ at ‘tulak’ na nagtatangkang ayusin ang kanilang buhay.
Kudos PDEA chief, Director General Aaron Aquino!
BI EMPLOYEES
NATUWA SA ‘IBINALIK’
NA OT PAY
MATAPOS payagan ni Pangulong Rodrigo Duterte na gamitin ang kita mula sa express lane fees upang ipambayad sa sahod at overtime pay ng mga empleyado ng Bureau of Immigration (BI) sa 2018 hangga’t hindi pa naisasabatas ang bagong Immigration Modernization Law, naglundagan sa tuwa ang mga empleyado.
Anyway, noong nakaraang linggo pa nila naririnig ang bagay na ito pero kahapon ang kompirmasyon.
Sabi ng Pangulo, “I will allow the establishment of a trust fund to be constituted from the express lane fees and charges collected by the BI for the payment of salaries and overtime to employees of the BI.”
‘Yan mismo ang kanyang veto message na ipinadala sa Kongreso bago niya nilagdaan bilang batas ang 2018 national budget.
Ang special provision na sumasaklaw sa express lane fund ay itatakda ng bubuuing guidelines nina Justice Secretary Vitaliano Aguirre, Budget Secretary Benjamin Diokno at ng Commission on Audit (COA).
Matatandaang ipinatigil ni Diokno ang pagbabayad sa OT pay ng mga kawani ng BI mula sa express lane fund noong Abril 2017 dahil ugat umano ito ng korupsiyon.
Nagkaroon ng malawakang pagbibitiw ng mga empleyado sa BI bunsod ng naging desisyon ni Diokno dahil kulang ang kanilang sahod kung wala ang OT pay.
Sa kasagsagan ng kontrobersiya sa OT pay ay ipinanukala ni Cabinet Secretary Leoncio “Jun” Evasco na sertipikahan ni Pangulong Duterte bilang urgent bill ang pag-amyenda sa Philippine Immigration Act of 1940 para mabilis na maaksiyonan ng Kongreso bilang solusyon sa suliranin sa sahod ng Immigration employees.
At pagkatapos noon, tinutukan nang husto ni Secretary Vit hanggang i-veto ng Pangulo ang kanyang dating pronouncement.
Mabuhay and thank you Secretary Aguirre!
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0977.705.22.31 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com
BULABUGIN
ni Jerry Yap