ANG araw ng Kapaskuhan ay ipinagdiriwang natin na mga mananampalataya bilang paggunita sa pagsilang ng dakilang manunubos na si Hesukristo.
Dangan nga lamang ay may palagay ako na para sa karamihan, ang pagbubunying ito ay nakatuon lamang sa kanyang masayang kapanganakan at hindi natutuhan ang mas malalim na ibig sabihin ng pangyayaring ito.
Kung susuriin natin ang dasal na itinuro sa atin ng Panginoong Hesus, Ang Ama Namin o “The Lord’s Prayer” ay mapapansin na ito’y isang panawagan na sana ay mapasaatin ang kaharian ng Diyos at harinawa ay masunod ang kanyang kalooban dito sa lupa para ng sa langit.
Sa kontekstong ito ay dapat natin maunawaan na ang Kapaskuhan ay hindi lamang araw ng pagsilang ng Manunubos. Ito ay simula nang pagtatayo ng kaharian ng Diyos at umpisa ng pagbibigay ehemplo ni Hesus kung paano masusunod ang kalooban ng kanyang Ama sa langit dito sa lupa.
Ang Kaharian ng Diyos, na kakikitaan ng Katotohanan, Kalayaan, Kapayapaan, Pag-ibig at Katarungan ay hindi mahika na bigla na lamang lilitaw sa ating harapan. Malinaw sa mga aral na iniwan sa Banal na Aklat na kailangang patunayan natin, sa Awa ng Diyos, na tayo ay karapat-dapat sa kahariang ito. Ang matandang kasabihan na “Nasa tao ang gawa, nasa Diyos ang awa” ay dapat maglinaw sa ating pangunawa na ang mga gumagawa ay kinahahabagan ng Diyos.
Kailangan nating kumilos upang maitayo ang kaharian ng Diyos at makaaasa tayo na ang ating pagkilos ay kakasihan ng awa ng Panginoon. Ang mga dapat nating gawin upang maitayo ang nasabing Kaharian ay isiniwalat na ni Hesukristo mula nang siya ay isinilang, susundan na lamang natin ito.
Sa madaling salita ang Kapaskuhan ay simula ng ating pagkakatubos sa kasalanan, umpisa ng pagtatayo ng kaharian ng Diyos at pagbubukal ng kanyang kalooban dito sa lupa. Ito ang buod o esensiya kaya natin dapat ipagbubunyi ang Kapaskuhan.
Harinawa na sa paggunita at pagbubunyi natin sa pagsilang ng dakilang manunubos ay maging mapagpalaya para sa ating lahat ang araw ng Pasko. Huwag sana nating makalimutan ang pakay ng kanyang pagsilang sa mundo.
Mabuhay…at muli ay isang Mapagpalayang Pasko ang dalangin ng Usaping Bayan para sa ating lahat.
***
Hihigpitan daw ng gobyerno ang cybersecurity ng bansa para mapaghandaan ang pagpasok ng isang cyber company mula sa Tsina sa ating telecommunications industry. Ang kakatwa nito, ang pamahalaan mismo ang nag-imbita sa nasabing kompanya. Para sa karagdagang detalye ay pasyalan ninyo ang Beyond Deadlines sa www.beyonddeadlines.com
Sana ay makaugalian ninyo na bisitahin lagi ang website ng Beyond Deadlines at panoorin ang segment nito sa Pinoy Houston TV o Howdy Philippines channel ng YouTube. Salamat po.
***
Kung ibig ninyong maligo sa hot spring ay maaari kayong pumunta sa Infinity Resort sa Indigo Bay Subdivision, Brgy. Bagong Kalsada, Calamba City. Malapit lamang sa Metro Manila at mula sa resort na ito ay tanaw ninyo ang banal na bundok Makiling.
Magpadala ng mensahe sa www.facebook.com/privatehotspringresort para sa karagdagang impormasyon o reserbasyon ng lugar. Salamat po.