UMAABOT sa P3.77 trilyon ang pambansang budget ng ating bansa para sa 2018 na pirmado na ni Pangulong Rodrigo “Digong” Duterte,
Napakalaki ng budget na ito na ang may pinakamalaking hati ay Department of Education (DepED), Department of Public Works and Highways (DPWH), Department of Social Welfare and Development (DSWD) at Armed Forces of the Philippines (AFP).
Tiyak na tiba-tiba na naman ang network ng mga contractor na makakukuha ng proyekto, mga supplier at service provider na mananalo sa mga bidding na kanilang lalahukan.
Aba’y napakasuwerte namang tunay.
Sana’y magkaroon na nang maayos na sistema ang procurement offices at bids and awards committee upang hindi na mapaglunuyan ng mga ‘corrupt’ ang budget na dapat ilaan sa mga mamamayan.
Paging Department of Budget Management (DBM), sana’y mapakinabangan na nang husto ng mamamayan lalo na ‘yung mga maliliit nating kababayan ang trilyones na budget na ‘yan.
Sana’y makatulong ‘yang malaking budget na ‘yan para lumikha ng industriya at maraming trabaho na kailangang-kailangan ng mga mamamayan.
Magkaroon na rin sana ng maayos na sistemang pangkalusugan na hindi magagahasa ng mga pribadong ospital at big pharma.
Higit sa lahat, magkaroon ng sistema sa edukasyon na lilikha ng mahuhusay na propesyonal na hindi na kailangan mangibang bayan para mabigyan ng magandang kinabukasan ang kanilang pamilya.
Maisipan na rin sanang gumawa ng programa ng DOLE kung paanong unti-unti pauwiin ang ating overseas Filipino workers (OFWs) na nararahuyong magtrabaho sa ibang bansa kahit maliit lang din ang kita dahil walang matagpuang trabaho dito sa bansa.
At ang ating mga pagawaing bayan at sandatahang lakas? Sana’y maglingkod lahat para sa kagalingan ng buong bansa.
Sana lang…
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0977.705.22.31 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com
BULABUGIN
ni Jerry Yap