Friday , November 15 2024
Bulabugin ni Jerry Yap
Bulabugin ni Jerry Yap

Senator Richard Gordon inulan ng puna at batikos sa social media

BILANG chairman ng Senate Blue Ribbon Committee, hindi lamang si Senator Richard “Dick” Gordon ang dapat na nagsasalita sa congressional hearings — gaya nang naganap kamakailan sa Dengvaxia probe.

Mismong netizens ang umalma sa tila pagkopo ni Senator Dick dahil halos namonopolyo na niya ang pagsasalita at diskusyon.

Nasilip ng  netizens na tila si Senator Dick lang ang daldal nang daldal.

Mantakin ninyo, parang siya lang ang magaling  dahil kung hindi sasansalain ang nagsasalitang kapwa Senador ‘e tuluyang sosolohin ang pagsasalita.

Ang 7-oras hearing, ay dapat sanang joint hearing ng Blue Ribbon Committee ni Senator Gordon at Health and Demography Committee ni  Senator JV Ejercito.

Pero naging dominado ng Senador ang diskusyon at hapon na umano ay hindi pa tapos ang kanyang talumpati.

At dahil ayaw nang tapusin ni Gordon ang kanyang talumpati, pagkatapos ng tatlong oras at kalahati, ang ibang senador ay unti-unti nang nag-alisan.

Pero ayon kay Senador Gordon, wala raw siyang planong palitan ang kanyang estilo bilang chair ng congressional probes.

Aniya, binigyan niya ng pagkakataon ang kanyang mga kasamahan na magtanong at ang netizens na bumabatikos sa kanyang ‘monologue’ ay hindi nakauunawa ng Senate rules on proceedings.

Ginawa umano niya iyon upang hindi na muling ipatawag sina Aquino (dating Pangulong Noynoy), dating DBM Secretary Abad, at dating Health Secretary Garin sa Senado.

Isa siguro ‘yan sa dapat pag-aralan ni Senator Dick. Hindi lang siya artikulante, alam niya at naiintindihan ang kanyang sinasabi, kaya para siyang rumaragasang agos ng tubig sa ilog na hindi mapigilan, kaya dapat siyang maging conscious na hindi niya dapat kopohin ang deli­berasyon.

Senator Dick, next time, dapat sigurong may nagpapaalala sa inyo na hindi lang committee ninyo ang nagsasagawa ng hearing, may kasama kayo…

Reminder lang po!

IMMIGRATION OFFICER
NAMATAAN
NAGKA-CASINO!
(ATTN: SOJ VITALIANO
AGUIRRE)

AYON sa ating very reliable source na ma­dalas tumambay sa City of Dreams Hotel and Casino, namataan niya ang isang batambatang Immigration Officer (IO) na nagsusugal doon na ating naiulat noong nakaraang linggo.

Kinilala ng ating bubwit, base sa nakita ni­yang inilabas na airport identification card (ID), ang IO na isang IBRAHIM CALZADO.

Ipinakita ng nagpakilalang Calzado sa katabi niyang Koreano na nagsusugal din sa Baccarat table sa Signature Club ng COD, para ma-impress at magpatulong sa kanya kung may maging pro­blema sa Immigration!

Susmaryosep!

‘Di ba pang-high rollers lang ‘yang lugar na ‘yan?

Yessirree!

Para ikaw ay papasukin sa signature club ng COD, kinakailangan na ikaw ay member o nasa guest list nila at may kakayahang maglabas ng kapital na ‘di bababa sa 100K pataas!

Mataas din ang minimum bet sa Baccarat o anomang table games sa gaming area ng natu­rang lugar.

Petmalu!

Bigtime player naman pala si sirrr Calzado?!

Ang tanong, paano name-maintain ni IO Candado ‘este Calzado ang kanyang “hobby” sa COD casino sa kanyang maliit na sweldo sa ahensiya?

Hindi kaya “hobby” lang din ang pagtatrabaho niya sa immigration kaya balewala lang sa kanya na siya ay mamataan sa loob ng casino?

Alam naman natin na mahigpit na ipinagbabawal ng Civil Service Commission at Ombudsman ang pagpasok, lalo ang pagsusugal ng go­vernment official or any persons na konektado sa gobyerno, saan mang casino o pasugalan, legal man o ilegal!

At baka hindi pa alam ni IO Casado ‘este Calzado na may existing executive order rin ang Malacañang sa government employees na mahigpit na binabawalan ang pagsusugal sa mga casino.

Ano kaya ang masasabi ng mga commissioner natin sa BI tungkol sa pagka-casino ni IO Calzado?

MAY PINAPABORAN BA
ANG OAG SURVEY
NG CAAP!?

NITONG nakaraang buwan ay ginawaran ng star rating ang Iloilo International Airport (IIA) at pitong iba pang airports sa Filipinas matapos nilang makamit ang on-time-performance sa Official Aviation Guide survey mula taong 2016 hanggang sa kasalukuyan.

Matapos din makamit ang parangal bilang ika-12 sa Asia’s best airports noong 2016 sa interactive website ng “The Guide to Sleeping in Airports” muli nga nitong nakamit ang star rating ayon na rin sa OAG survey na isinagawa ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP).

Ang OAG star rating ay iginagawad sa mga airport na nagkakamit ng 600 operations a month bukod sa tinatanggap nilang 80% ng scheduled flights within a 12-month period.

Well, tayo naman ay natutuwa dahil sa tinamong parangal ng IIA pero tayo rin ay nagtatanong sa ating sarili kung deserving ba talaga ang IIA na sila ay makaungos sa iba pang mga airport sa ating bansa?

Sa atin kasing pagkakaalam, limitado lang ang dami ng flights ng nasabing airport kung ikokompara sa dami ng pasahero at flights ng iba pang paliparan gaya ng Mactan Cebu International Airport, NAIA I, II, III at pati na ng Ka­libo International Airport (KIA).

Sa KIA lang ay 24/7 ang kanilang operations pagdating sa domestic and international flights. Umaabot sa 3,000 hanggang 5,000 pasahero ang dumaraan sa nasabing airport, sa domestic at international.

Doble ito sa dumarating sa NAIA na hindi bumababa sa 10,000 ang dumaraang pasahero araw-araw.

Hindi kaya mas karapat-dapat lang para­ngalan ang nasabing airports kung ang pagbabasehan ay dami ng flights at mga pasahero!?

Any comment on this CAAP DG Jim Sydiongco?

Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0977.705.22.31 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com

BULABUGIN
ni Jerry Yap

About Jerry Yap

Columnist at HATAW D'yaryo ng Bayan / CHRONICLE (Customs); National Press Club of the Philippines President (2010-2012), Treasurer (2012), Director (2004-2010) and National Chairman at ALAM (Alab ng Mamamahayag)

Check Also

Firing Line Robert Roque

Mga senador na nasa tama, nagkamali

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. MARAHIL humupa na sa ngayon ang galit ng publiko …

Aksyon Agad Almar Danguilan

“Kian Bill” para sa mga inosente, isabatas na!

AKSYON AGADni Almar Danguilan IYAN ang sigaw o panawagan ng grupong Akbayan Partylist sa Kongreso. …

PADAYON logo ni Teddy Brul

Upakan sa Pasig umiinit

PADAYONni Teddy Brul HINAMON ni dating Pasig City councilor, Atty. Ian Sia si Mayor Vico …

Sipat Mat Vicencio

Imee Marcos hinayaan babuyin ang amang si Makoy

SIPATni Mat Vicencio HINDI man lamang nagawang ipagtanggol ni Senator Imee Marcos ang kanyang amang …

Dragon Lady Amor Virata

Overstay sa Amerika, deportation parusa ni Trump

Isumbong mokay DRAGON LADYni Amor Virata MARAMING Pinoy ang nangangamba ngayon sa Amerika lalo mga …

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *