SABI nga, nasusubok ang pagiging magkakaibigan sa pagtutulungan. May mga taong kung tawagin ay “fair weather friends”, iyon nandiyan lang kung may pakinabang sa iyo, at kung wala na, wala ka na ring maaasahan.
Pero sa kuwento nga ni Joross Gamboa, napatunayan niyang marami rin pala siyang kaibigang nakahandang tumulong sa kanya. Kinausap niya ang mga kaibigang sikat na artista para mag-cameo role sa kanilang pelikulang Deadma Walking. Ang eksena ay iyong supposed to be ay burol niya, dahil ang character niya ay may cancer at nakatakda na ngang mamatay. Gusto naman niyang makita kung ano ang mangyayari sa burol niya.
Kaya kahit na hindi pa siya namamatay, gumawa na sila ng mock up na burol. Doon naman ang cameo role ng mga artista sa eksenang iyon.
Unang-unang dumating sa shooting si Piolo Pascual at napagkasunduan ngang isu-shoot ang mga guest as they come, ibig sabihin kung sino ang unang dumating, siyang unang kukunan. Eh ang dami at nagkasabay-sabay nga, kaya ang nangyari habang nagsu-shooting sila, aligaga rin naman sila sa pag-entertain sa kanilang mga bisita.
Pero ang sabi nga ni Joross, nakatutuwa naman at nakita nilang ang mga kaibigan nila ay nakahanda naman palang tumulong sa kanila, lalo na nga’t iyan ang unang pagkakataon na silang dalawa ni Edgar Allan Guzman ay naging bida sa pelikula at ilalaban pa sa festival.
“Nag-support din naman kami sa kanila noon, kaya ngayon nang hingan namin sila ng suporta ay hindi naman sila nagmaramot,” kuwento pa ni Joross.
Nakatutuwa rin naman ang ganyang pagtutulungan sa showbiz.
HATAWAN
ni Ed de Leon