MABAWI kaya ni Coco Martin ang ipinu hunan niyang P100-M sa pelikula niyang Ang Panday? Iyan ang tanungan ngayon. Para mabawi iyan ni Coco, kailangang kumita ang kanyang pelikula ng mga P400-M . Palagay naman namin, kikitain iyon ng pelikula at higit pa roon dahil napakahusay naman ng pagkakagawa. Kaya kami ay walang duda na hindi lamang mababawi kundi kikita si Coco sa pelikulang pinaghirapan niya nang husto.
Nakatutuwang isipin, na si Coco na nagsimula sa mga low budget na indie films, at tiyak na nabarat din sa mga talent fees noong araw sa mga ginawa niyang indie, na pinaghubad pa siya ha, ay naisip na gumawa ng isang pelikulang napakalaki ng puhunan, pinaghirapan ang pagkakagawa at talagang malinis ang content kaya nga Rated G, rekomendadong panoorin kahit ng mga bata.
Kung titingnan mo, isang rebolusyon sa kanyang career ang ginawang iyan ni Coco. Siguro nga naisip ni Coco na malaki na rin naman ang utang na loob niya sa publiko, at gusto niyang suklian iyon ng isang magandang trabaho. Alam din niya na lilimitahan ng mga producer niya ang gastos sa pelikula at hindi niya magagawa kung ano ang mas maganda, kaya siya mismo ang nag-produce niyon. Hindi niya ipinagkatiwala sa kahit na sinong director, siya rin ang gumawa niyon. Kaya masasabi natin na iyang pelikulang Ang Panday, isang tunay na obra ni Rodel Nacianceno at walang maaaring umangkin niyan.
Maging ang kuwento, hindi na ang orihinal na ginawa ni Carlo Caparas. Iyong characters lang ang hango sa orihinal na Ang Panday. Maski ang kuwento gawa na rin ni Coco.
At siguro nga iyang Ang Panday ay isang pelikulang maipagmamalaki niya dahil lumabas na maganda ang pelikula. Lumabas na iyon ay isang obra maestra, na ginawa ng isang baguhan at hindi ng isang kinilalang maestro. Pero maniwala kayo sa amin, maraming director na mapapahiya sa trabaho ni Coco.
Hindi lang iyon isang pelikulang makapagbibigay ng kasiyahan, naipasok niya ang tamang moral at spiritual values sa pelikula, lalo na nga ang pananampalataya sa Diyos, at pagmamahal sa pamilya. Eh iyong ibang pelikula, ganoon din ba?
Iyan ay isang magandang simula, sana nga marami pang gawing pelikula si Coco.
GOMA WORKING
MAYOR, HANDA
SA MGA SAKUNA
MALAKI ang naging problema ng Ormoc dahil sa bagyong Urduja. May mga naiwang patay sa lunsod, nagsagawa sila ng sapilitang evacuation dahil sa mabilis na pagbaha, at nagkaroon pa ng landslide kaya naging mahirap ang pagpunta sa lunsod.
Pero napaghandaang lahat iyan ni Mayor Richard Gomez. Sabihin mang nagkaroon ng delay ang relief para sa kanilang bayan. On their own ay naisasagawa nila ang patuloy na relief and rescue operations kahit nga napaghandaan nila iyon. Kasi on hands naman sa disaster relief ang kanilang mayor.
Sa totoo lang, basta nakakabalita kami ng ganyan, natutuwa kami. Parang gusto naming ipagyabang, tingnan ninyo kung gaano kahusay si Mayor, at artista iyan. Nagtatrabaho iyan. Hindi kagaya ng sinasabi nilang ang mga artista natutulog lamang sa sesyon, hindi nila masasabi iyan kay Goma.
Madaling araw pa lang, bago tumama ang bagyo, nasa city hall na siya. Naghahanda na. Nai-interview na ng mga estasyon ng radyo at nasasabi na niya kung ano ang kanilang gagawin sa padating ng malakas na bagyo. Working mayor iyan, hindi iyong nakaporma lamang sa city hall. Hindi nga makagawa ng pelikula si Goma dahil diyan, pero ok lang, magaling naman siyang mayor.
HATAWAN
ni Ed de Leon