GUSTO sanang samantalahin ni Congresswoman Vilma Santos na magbakasyon ulit sa abroad, kasi talaga namang ginagawa niya rati iyong pinupuntahan niya ang mga kapatid niya sa US para magkasama-sama sila lalo na kung panahon ng Pasko, at saka ngayon naka-break naman ang trabaho nila sa congress, pero hindi niya magagawa dahil sa Metro Manila Film Festival. Tinanggap kasi niyang maging member ng executive committee ng festival.
“Mas mabigat na responsibilidad iyan dahil talagang kailangan nakatutok ka sa kung ano man ang mangyayari sa festival. Mas mabuti pa nga iyong artista na may pelikula na lang kasali eh. Pagkatapos niyong parada ng mga artista, puwede ka nang magbakasyon. Tapos na ang pelikula, tapos na ang promo. Pero iyong nasa festival committee ka, hindi mo puwedeng iwanan iyon dahil hindi mo masasabi kung may mangyayari na kailangan ang aksiyon ng lahat.
“Iyong ibang mga bagay, naku nandiyan naman sila na mga sanay na sa festival. Makagugulo lang kung makikialam ka pa, pero may mga bagay na kailangang nandoon ka eh. Kaya sinasabi nga nila huwag kang mawawala dahil baka kailangan ka,” pagkukuwento ni Ate Vi.
Sa ngayon sinasabi naman niyang happy siya sa mga pelikulang napili para sa festival.
“Makikita mo naman balanced eh. May mga pelikulang ang narinig ko talagang napakaganda at tiyak na magugustuhan lalo na sa abroad. May mga pelikula naman tayong pang-masa, iyong masasabi mong mga pelikulang commercially viable, hindi naman para kumita lang ang festival kundi para naman may maibigay tayo roon sa beneficiaries na umaasa sa kikitain ng festival.
“Sinasabi nga nila sa akin, may problema pa rin iyang paglilipat ng pondo sa beneficiaries ng festival, eh ang sabi ko nga maaayos naman siguro iyan unti-unti, ang mahalaga iyong alam natin na may kinita at may maibibigay muna sa kanila. Alam natin na may kailangang ibigay sa kanila, kaysa roon sa masabing wala eh,” sabi pa ni Ate Vi.
NORA, ‘DI NA
NAGTANGKANG SUMALI
SA MMFF 2017
SABI naman nila, mukhang ito lamang ang taon na walang pelikula si Nora Aunor na kasali sa Metro Manila Film Festival. Kung natatandaan ninyo, ilang sunod-sunod na tao ay may pelikula si Nora na kasali sa festival. Sa pagkakataong ito mukhang walang nagtangka bagamat sinasabi nilang may mga tapos na pelikula si Nora na maaaring isali sana sa festival.
Ang problema lang kasi sa mga pelikula ni Nora, at ang nagiging issue ay iyong inaalisan iyon ng mga sinehan. Ganyan naman talaga ang issue lagi basta mahina sa takilya ang isang pelikula. Binabawasan sila ng sinehan para ang mga sinehan ay maibigay sa mas malalakas na pelikula. Kung minsan mayroon pa noong tinatawag na “slide” iyong dalawang pelikula ang naghahati sa isang sinehan.
Pero wala kang magagawa kung ganoon talaga iyon. Sino ba ang may gustong malugi?
HATAWAN
ni Ed de Leon