Monday , December 23 2024

VACC tinabla sa Kamara

WALA raw ni isang miyembro ng Kamara ang nag-endoso sa impeachment complaint laban kay Ombudswoman Conchita Carpio-Morales na inihain ng Vo­lunteers Against Crime and Corruption (VACC).

Ang mga ginamit na basehan sa inihaing complaint ng VACC laban kay Carpio-Morales ay betrayal of public trust, graft and corruption, and culpable violation of the Constitution.

Ilan sa mga binabanggit ng VACC sa kanilang complaint ang mga sumusunod na kadahilalan:

1) Ang “inordinate delays” o sinadyang pagpapatagal sa mga imbestigasyon ng Ombudsman na nagresulta sa pagkakabasura ng Sandiganbayan sa malalaking kaso;

2) Ang umano’y pagkiling ng Ombudsman sa imbestigasyon sa 2015 Mamasapano incident na ikinasawi ng 60 katao, kabilang ang SAF 44; at

3) Ang umano’y minadaling pagsasampa ng graft case at usurpation of authority sa Sandiganbayan para proteksiyonan umano si dating Pang. Benigno “Noynoy” Aquino III sa mas mabi­gat na kasong “reckless imprudence resulting in multiple homicide”.

Nakahalata na marahil ang mga mambabastos, ‘este, mambabatas sa agenda ng ilang personalidad sa VACC na tulad nila ay gustong m­akagsipsip kay Pang. Rodrigo “Digong” Duterte upang mabigyan ng puwesto sa kasalukuyang administrasyon kaya walang interesado na mag-endoso sa inihaing complaint.

Bale ba, ang mga dispalinghadong basehan sa complaint ng VACC ay nasagap lang nila sa mga lumabas na balita sa media imbes sa mga dokumentadong ebidensiya.

Una, ang inordinate delay ay maliwanag sa Saligang Batas na tumutukoy sa “right to speedy trial” na ang ibig sabihin ay paglilitis ng mga hukuman o ng Sandiganbayan, at hindi sa imbestigasyon o prosecution na mandato ng Ombudsman.

Ikalawa, kung mahina pala ang isinampang kaso ng Ombudsman, hindi ba’t ang dapat ginawa ng VACC ay naghain sila ng mas mabigat na kaso laban kay PNoy sa Mamasapano issue?

At kung depektibo ang isinampang kaso laban kay PNoy sa Sandiganbayan, walang ibang dapat ginawa ang VACC kung ‘di idulog ang kaso sa Korte Suprema para kuwestiyonin ang resolusyon ng Ombudsman.

Palibhasa ay hindi talaga ser­yoso ang VACC na nagmumukhang patay-gutom lang sa publicity kaya binalewala ng Kamara ang kanilang inihaing complaint laban kay Carpio-Morales.

Santambak na kaso ang puwedeng gamitin ng VACC laban kay Carpio-Morales pero imbes sa rule of law ay interesado lang sila sa mga kalaban ni Pang. Digong.

Kaya kampante at hindi raw natitigatig si Carpio-Morales sa VACC dahil alam niyang ginagamit lang siya ng mga gustong sumipsip kay Pang. Digong na nais magantimpalaan ng puwesto.

Kasasabi lang ni Pang. Digong na wala si­yang balak magpakulong ng mga dating pangulo ng bansa.

Bukod diyan ay nagpaalala rin ang pangulo kamakailan na walang kabuluhan at mapapala ang mga nagpipilit sumipsip sa kanya.

SUPALPAL SI “UTORNI UROT”

NASUPALPAL na naman ang epal na abogadong si Ferdinand Topacio sa tangkang paggamit sa imbestigasyon kaugnay ng Dengvaxia vaccine, kahapon.

Sa diyaryo at sa mga programa sa radyo lamang siya kumukuha sumasagap ng isyu para makisawsaw sa mga imbestigasyon in aid of grandstanding.

Katunayan, kinopya lang ni Topacio ang mga binanggit natin sa pitak na ito kamakalawa at sa naging komentaryo natin sa ating malaganap na programa sa radyo noong Martes tungkol sa mga kaso na nalabag ng mga responsable sa kontrata ng dispalinghadong bakuna.

Ganoon pa man, bigo na naman si Utortni, este, Atorni dahil hindi pa natutuyo ang laway niya ay inabsuwelto na ni Pang. Digong ang mga sangkot sa malaking katarantadohan.

Paano nga naman sasampahan ng kaso si PNoy at ang kanyang mga dating opisyal sa Department of Health (DoH) kung ‘di kasamang idedemanda si dating secretary Paulyn Ubial na itinuloy ang programa sa kasalukuyang administrasyon.

At ‘pag nakasuhan si Ubial, ang ibig sabihin, pati si Pang. Digong ay madedemanda.

Kaya walang pinakamabuti kung ‘di iukol ang panahon ng pamahalaan kung paano maisasalba sa panganib ang mga kawawang naturukan ng Dengvaxia.

Maging leksiyon sana ito laban sa walang katuturang pagwawaldas sa pondo ng bayan na dapat ay magamit sa mas mahalagang proyekto para mapagaan ang buhay ng dumaraming naghihirap na mamamayan.

At dapat nang tumigil ang damuhong si Topacio at mga mokong na kasama niya sa VACC sa pang-uurot at panggagatong kay Pang. Digong na lagi nilang iginagawa ng kaaway at inihahanap ng basag-ulo.

Tama na ang pang-uurot kay Pang. Digong kung wala rin lang kayong maitutulong para umusad at magkaisa ang bansa!

(Para sa anumang sumbong at reaksiyon, mag-text o tumawag sa 09174842180. Maaring ipadala ang inyong liham sa e-mail address: [email protected]

 

About Percy Lapid

Check Also

Sipat Mat Vicencio

Pagkikita nina Isko Moreno at Nelson Ty

SIPATni Mat Vicencio NAGKITA na nga sina dating Manila Mayor Isko “Yorme” Moreno at dating …

Aksyon Agad Almar Danguilan

Kita ng TODAs, lumiit sa pagdami ng MC taxi

AKSYON AGADni Almar Danguilan MASYADO na palang bumaba o lumiit ang kita ng mga tricycle …

Firing Line Robert Roque

Gunning for amendments

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. ISINUSULONG ni Senator Ronald “Bato” dela Rosa ang mga …

Aksyon Agad Almar Danguilan

Seguridad ng QCitizens  sa ‘Misa De Gallo’   tiniyak ni Buslig

AKSYON AGADni Almar Danguilan NAG-UMPISA na ang ‘Misa De Gallo’ na mas kilala na ngayon …

Firing Line Robert Roque

3 araw ng Metro road deaths

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. BINIGLA ang Metro Manila ng serye ng mga pagkamatay …

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *