DAHIL naobserbahan ni Pangulong Rodrigo “Digong” Duterte na ‘mahilig palang magbakasyon’ ang dating hepe ng Presidential Commission for the Urban Poor (PCUP) na si Atty. Terry Ridon, kaya tuluyan na niyang ‘pinalaya’ para huwag nang maabala ang pagbaka-bakasyon.
Kaya hayun, todo-bakasyon na si dating Kabataan party-list representative Ridon — bakasyon from the government office for the rest of his life.
Hindi na niya kailangan muling mag-report sa kanyang tanggapan dahil ‘abala’ lang ito sa kanyang ‘pagbabakasyon’ sa abroad.
Hindi na rin niya kailangan i-convene o ipatawag sa pulong ang kanyang mga opisyal na hindi niya nagawa mula noong Setyembre nang italaga siya ng Pangulo.
Mukhang na-culture shock si Atty. Terry.
Mula sa pasigaw-sigaw sa kalye, pa-rally-rally hanggang sa pagtutungayaw sa Kamara, tila nasilip ni Ridon ang mga “junket” sa PCUP.
Mantakin ninyong isang opisina para sa pagtataguyod ng urban poor sector ay dumadalo ng mga komperensiya sa mga bansa sa Europa?!
Ang gastos mo, attorney!
Kasuwerte naman!
Habang nagtitiyagang manirahan ang mga maralita sa riles ng tren, sa gilid ng creek at ilog, sa gilid ng pader ng malalaking pabrika ay dumadalo sa isang marangyang pagpupulong tungkol sa habitat at pabahay si Ridon — sa Europa.
Habang gumagawa ng paraan kung saan makakukuha ng tubig ang mga maralita, dumadalo sa maluluhong komperensiya si Ridon sa ibang bansa kung paano magkakaroon ng malinis na tubig ang informal settlers sa bansa.
Hindi ba’t sa simula’t simula ay malaking kabalintunaan na ang nakikinabang sa pondo ng PCUP ay mga opisyal at ibang ahensiya pero walang klarong benepisyong naipagkaloob sa mga pobre?!
Ang lumalabas pa, nagamit ‘yung salitang ‘urban poor’ para magkaroon ng posisyon at budget na magagastos sa sariling ambisyon.
Alam din kaya ni Pangulong Digong na ilang opisyal sa PCUP ang nanggigipit sa mga maralitang nagsisikap magkaroon ng sariling bahay?!
Matuklasan kaya ni Pangulong Digong na may mga opisyal sa PCUP na ‘nuno’ ng sindikato sa mga housing project para sa mahihirap?!
Lalo na ang isang opisyal ng PCUP na mukhang sibil pumorma pero malakas mangikil sa housing projects.
Sa susunod, babalatan natin ang sindikato ng ilang opisyal sa PCUP.
Abangan.
MGA GUSTONG
MAGSIPSIP SINOPLA
NG PANGULO
IDOL ni Pangulong Rodrigo “Digong” Duterte ang yumaong Cuban president na si Fidel Castro.
Bago pumanaw ang matalino, magiting at makabayang presidente ng Cuba, inihabilin niya sa kanyang kapatid na si Raul Castro na huwag gamitin ang kanyang pangalan para ipangalan sa mga institusyon, kalye, building, hall at iba pa.
Kay Pangulong Digong naman, ayaw niyang isabit ang kanyang retrato sa mga paaralan, sa iba’t ibang opisina ng pamahalaan at sa iba pang institusyon.
Para sa kanya, ang dapat makilala ng mga bata ay mga tunay na bayani.
Huwag daw ‘yung mga politiko na naaasunto ng kasong korupsiyon.
‘Yan ang problema ng mga sipsip ngayon. Tablado sila kay Tatay Digong.
Kaya ‘yung mga mahilig magpa-retrato kay Tatay Digong at idi-display pa sa kanilang social media account, sa kanilang mga opisina at sa kanilang mga cellphone, magsitigil kayo, hindi ‘yan uubra sa Pangulo.
Kaya please lang po, dear teachers and principals, ang ilagay ninyo sa classrooms, retrato ni Gat Andres Bonifacio, Gat Jose Rizal, Heneral Antonio Luna, Macario Sakay, Apolinario Mabini, Emilio Jacinto at iba pang mga tunay na bayani.
Sundin po ninyo ang Pangulo at huwag magsipsip at magpa-epal.
‘Yun lang.
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0977.705.22.31 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com
BULABUGIN
ni Jerry Yap