NAGTATAKA ang mga residente sa California Village sa Barangay San Bartolome, Quezon City kung bakit tila tahimik na ang mga awtoridad sa pagkasunog ng isang warehouse sa kanilang lugar.
Naghahanap ng klarong resulta ng imbestigasyon ang mga residente at iba pang negosyante sa nasabing lugar lalo nang matuklasan nilang ang pinagmulan ng sunog ay isang truck na may kargang ethyl alcohol.
Bukod sa truck na may kargang ethyl alcohol, natuklasan ni Sr. Supt. Manuel M. Manuel ng Bureau of Fire Quezon City na mayroon pang 30 container na kinalalagyan ng alcohol ang nasunog na bodega.
Sa ulat sa DZRH News , ang nasabing lugar o warehouse ay inuupahan umano ng Albis Trucking Inc.
Pero batay sa ilang record, Albri’s Food Philippines Inc., ang nag-o-operate sa nasabing solar.
Nitong nakaraang 22 Nobyembre (2017) naganap ang malaking sunog pero hanggang ngayon, wala pa rin klarong ulat ang tanggapan ni S/Supt. Triple M kung ano ang pinagmulan ng sunog.
“The cause of the fire is still under investigation.” ‘Yan ang nganga ‘este ulat ng tanggapan ni Sr. Supt. Triple M, kahit malinaw na inihayag ng mga residente na ilang beses silang nakarinig ng pagsabog, bago at habang nagaganap ang sunog.
Noon lang din nila nabatid na alcohol pala ang inilalagak sa nasabing warehouse.
Wattafak!?
Sa company profile ng Albri’s Food Philippines Inc., sila ay distributor at wholesaler ng Ethyl Alcohol, Denatured Alcohol, Carbon Dioxide, Anhydrous Ammonia, Ethyl Acetate, Methanol.
Sila ay may selling categories para sa Chemicals > Chemical Alcohol; Chemicals > Electronics Chemicals; Chemicals > Flavour and Fragrance; Chemicals > Paint & Coatings; at Chemicals > Printing Inks. At may buying categories para sa Chemicals > Chemical Alcohol; Chemicals > Printing Inks; Chemicals > Rubber Chemicals; Chemicals > Other Organic Chemicals; at Chemicals > Other Chemicals.
Ibig sabihin, iba’t ibang klaseng alcohol at chemical pala ang negosyo ng Albri’s Food Philippines Inc.
Sa kanilang Securities and Exchange Commission (SEC) registration, sinabi ng Albri’s na ang kanilang primary purpose ay “to engage in the business of food manufacturing and trading.”
Isa sa mga nakarehistrong may-ari ng Albri’s ay isang Alberto B. Lim na may tanggapan sa 13-A Mindanao Ave., Bgy. Pag-asa, Quezon City.
Ang tanong ng mga residente, kung ang Albri’s ay nagmamanupaktura ng iba’t ibang klaseng chemical at alcohol, ligtas pa kaya ang kanilang komunidad sa sunog? Hindi na kaya maulit ang naganap na sunog sa warehouse ng Albri’s? Ang pagmamanupaktura ba ng iba’t ibang klaseng alcohol ng Albri’s ay naaayon sa umiiral at itinatakdang batas ukol sa nasabing chemical?!
Makatulong at masagot kaya ni QC Fire chief, S/Supt. Triple M ang paglutas sa misteryong ito?
Abangan mga suki, may kasunod pa po ang mga tanong na ‘yan!
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0977.705.22.31 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com
BULABUGIN
ni Jerry Yap