FULL-SUPPORT ang mga kilalang tagapagtaguyod ng LGBT community na sina Boy Abunda at Vice Ganda sa ginanap na LGBT Pride March ni San Juan Vice Mayor Janella Ejercito Estrada. Nagsimula ang parada sa Tanghalan ng Masa sa N. Domingo patungo sa makasaysayang landmark ng San Juan, ang Pinaglabanan Shrine.
Ito ay proyekto ni Mayor Guia G. Gomez, VM Janella at ng Sangguniang Panlungsod.
“First Pride March namin ito sa San Juan and siyempre naisip ko itong gawin na project dahil gusto ko lahat ng tao ay pantay-pantay. Mayroon tayo dapat equality sa lahat po ng ating mamamayan. Isa po ito sa advocacy ko, actually I handle the city Anti-Drug Abuse council and I handle also the Gender Equality, so isa po ito sa proyekto ko para sa gender equality,” saad ni Vice Mayor Janella.
Magiging annual event na ito?
Saad ni VM Janella, “Annual na ito, like sabi ko kanina, December 1, 2018, magkita-kita uli tayo rito sa Pinaglabanan Shrine.”
Kailan mo naisip ang adbokasiyang ito? “Actually konsehal pa lang ako, naisip ko nang gumawa nang ganito, hindi na-push through noong konsehal ako, kaya pinapasa ko sa mga konsehal para noong nagkaron kami ng ordinansa, puwede na kaming gumawa ng first ever Pride March dito sa San Juan.”
Binanggit din niya ang mga celebrity na gustong pasalamatan na nakiisa sa naturang event.
“Nagpapasalamat ako sa suporta nila, sina Jake Zyrus na kakanta mamaya, si chairperson Aiza Seguerra and Chairperson Liza Diño. And of course ‘yung kaibigan ko, si Vice Ganda. Plus of course ‘yung speaker natin, si Tito Boy Abunda, plus iyong iba pa.
“Very thankful ako sa kanilang lahat at sa lahat ng nakiisa sa LGBT Pride March na ito,” saad ng anak nina ex-Senator Jinggoy Estrada at Precy Vitug Ejercito.
Hindi ba siya naengganyo sa showbiz noon? Sagot ni San Juan Vice Mayor, “Hindi actually noong bata pa lang ako, gusto ko na talaga sa politika. Kasi nakikita ko ‘yung daddy ko, ‘yung lolo ko, lagi nila akong kasama kaya sabi ko, ganoon ‘yung gusto kong gawin paglaki ko.”
Pero noong bata ka pa, hindi mo ba ikinonsider ang pag-aartista? “Kinonsider ko rin siyempre, pero paano ako magso-showbiz, medyo chubby na tayo ngayon, hahaha!” Nakatawang saad ni VM Janella.
TONZ ARE, WAGI
SA INDING-INDIE
FILM FESTIVAL 2017
LABIS ang kagalakan ng indie actor na si Tonz Are sa muling pagkilala ng kanyang talento sa pag-arte nang manalo siya sa katatapos na Inding-Indie Film Festival 2017 na ginanap last December 4.
“Sobrang thankful po ako, nanalo ako as Best Actor and Golden award sa Inding Indie Film Festival 2017. Sa Init ako nanalong Best Actor, tapos po iyong Golden awards ko ay para sa film na Init and Maranhig. Bale, ito na po ang ika-apat na napanalunan kong Best Actor award,” masayang kuwento sa amin ni Tonz.
Dagdag niya, “Kabado po ako noong award’s night at nang tinawag ako, speechless ako, napaiyak ako kasi ang pagkapanalo ko ay alay ko sa tatay ko. Alam ko masaya siya na nakitang tumanggap ako ng awards,” wika niya patungkol sa amain niyang si Celso Are na kamamatay lang.
Pahabol ni Tonz, “Iyong next na movie ko po ay pinamagatang Panaginip, ako po ang lead actor dito at ang mga co-stars ko ay mga baguhang actor po sila.
Showing na po ang Panaginip on December 12, 5:00 pm sa UP Theater po. Ito ay sa direksiyon ni John Novela.”
Mapapanood din siya very soon sa horror movie na Onna na magkakaroon ng premiere night sa March 17, 2018 sa Cinema 8 ng SM North EDSA.
Nabanggit ni Tonz ang wish niyang mangyari sa kanyang career sa pagpasok ng 2018. “Wish ko po na sana ay ma-recognize ako sa mainstream and gusto ko rin sana makita on TV shows po and more projects to come pa.”
ALAM MO NA!
ni Nonie Nicasio