MAITUTURING na panganib sa mga mamamahayag itong si Jojo Garcia, ang assistant general manager ni Chairman Danilo “Danny” Lim sa Metro Manila Development Authority (MMDA).
Kamakalawa, sinabi umano ni Garcia na dapat ‘itokhang’ ang mga miyembro ng media na sumusulat ng balita na hindi pabor sa MMDA.
Bago magsimula ang press briefing noong Miyerkoles sa tanggapan ni retired Army Gen. Lim, sinabihan ni Garcia ang mga reporter na dumalo sa briefing na may mga miyembro ng media na nagsusulat daw ng ‘nega’ laban sa MMDA.
Imbes sagutin ang tanong ng mga reporter kung sinong mga miyembro ng media ang kanyang tinutukoy, naglitanya si Garcia ng mga napalathalang istroya na negatibo sa kanilang ahensiya.
Nagbanta pa umano si Garcia na kanyang ipasasama sa drug list ng administrasyon ang pangalan ng mga miyembro ng media na inaakusahan niyang pinapasama ang imahe ng kanilang tanggapan.
“Nasaan na ‘yung 45 ko? Ipatokhang natin ‘yan,” sabi pa raw ni Garcia.
Bukod sa media, dapat din ikabahala ni Director General Ronald “Bato” dela Rosa at ng buong Philippine National Police (PNP) ang masamang tabas ng dila nitong si Garcia.
Aba’y, ipinapahamak ba ni Garcia ang inilunsad na giyera ng administrasyon laban sa ilegal na droga gayong hirap na hirap na nga si Gen. Bato at ang PNP sa kapapaliwanag at pagsalag sa mga paratang na extrajudicial killings (EJK)?
Parang sinabi na rin ni Garcia na tama ang duda ng mga bumabatikos sa kampanya ng pamahalaan na kahit sino na lang ay puwedeng ipatokhang kapag isinama ang pangalan sa drugs list ng PNP.
Kakatiting na kapangyarihan ‘yan, gaano pa kaya kung nasa mas mataas na puwesto si Garcia?
Biro man o hindi, dapat pag-aralan ni Gen. Bato at ng PNP kung si Garcia ay pasado na makapgbitbit ng boga.
Kung nagagawang takutin at pagbantaan ni Garcia ang mga miyembro ng media, gaano pa kaya ang karaniwang mamamayan.
Sayang kung mabubulilyaso ang pagsisikap ni Pangulong Rodrigo “Digong” Duterte sa giyera kontra ilegal na droga at mamantsahan pa ni Garcia.
Abangan!
MONUMENTO
NI BONIFACIO
GINAGAWANG
‘TIRAHAN’
MUNTIK na naman tayong mahulog sa ating kinauupuan nang makarating sa atin ang balita na hindi lamang pala illegal terminal ng bus at UV Expres ang pambababoy na ginagawa ng sindikato sa paligid ng monumento ni Gat Andres Bonifacio na sakop ng Bgy 659-A sa Plaza Lawton.
Ultimo pala ang kinatitirikan ng monumento ng ating pambansang bayani ay ginawa nang condo ng isang pamilya.
Isang pamilya ang matagal na raw naninirahan sa ilalim ng monumento ni Bonifacio.
Ayon sa mga impormante, ang paanan ng monumento ni Bonifacio ay nagsilbi munang motel noong una at parausan para sa magkasintahang palaboy sa minamahal na barangay ni Chairman Ligaya V. Santos, maraming taon ang nakararaan.
Si Bonifacio ang piping saksi sa mahabang pagsasama ng dalawa hanggang sa pagbubunga ng tatlong anak na doon din iniluwal sa ilalim ng monumento.
Ang ‘di lang natin alam ay kung ano ang rehistradong address na gamit ng nasabing pamilya sa Commission on Elections (Comelec) para makaboto sa Maynila.
Paano naaatim ng National Historical Commission of the Philippines (NCP) at National Commission for the Culture and Arts (NCCA) ang ganito kasukdulang pambababoy kay Bonifacio?
Tama ba, Jojo Garcia ng MMDA?
Aba’y, kung hindi masawata ng inutil na MMDA at mga awtoridad ang sindikato ng salot na illegal terminal sa Lawton, marahil ay mabuting ihanap na lang ng ibang lugar na nababagay at magpapadakila kay Bonifacio.
(Para sa anumang sumbong at reaksiyon, mag-text o tumawag sa 09174842180. Maaring ipadala ang inyong liham sa e-mail address: [email protected])