NAPALUSUTAN ba ng appointees na ‘bogus’ o walang bisa ang academic credential ang kasalukuyang administrasyon?
Aba’y, dapat paimbestigahan agad kung sino-sino sila na ‘bogus’ naman pala ang diploma pero nagawang maitalaga sa iba’t ibang puwesto ni Pang. Rodrigo “Digong” Duterte sa kanyang administrasyon.
Ang mga sinasabing nakapasok at humahawak ng matataas na puwesto sa administrasyon ni Presidente Digong ay nagawa umanong makakuha ng ‘bogus’ o walang bisang diploma sa isang unibersidad sa ilalim ng programa na walang pahintulot mula sa Commission on Higher Educatication (CHED).
Ilang taon ang nakararaan, ibinulgar natin ang malaking raket sa Pamantasan ng Lungsod ng Maynila (PLM) sa paggamit ng Expanded Tertiary Education Equivalency and Accreditation Program (ETEEAP) ng CHED.
Sa nasabing raket, naasunto at sinibak sa serbisyo ng Ombudsman noong Enero 2017 si CHED executive director Julito Vitriolo matapos mapatunayang guilty sa pagpapabaya sa tungkulin, grave misconduct, gross neglect of duty, incompetence at inefficiency.
Sinampahan din ng kasong kriminal sa Sandiganbayan si Vitriolo ng paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act (Republic Act 3019) RA 6713 (Code of Conduct and Ethical Standards for Public Officials and Employees).
Ibinulgar natin noong 2010 ang pamimigay ng PLM ng diploma sa mga pinalalabas na nagsipagtapos ng bachelor, masteral at doctorate dregree sa ilalim ng ETEEAP.
Nagsadya sa atin noon si G. Oliver Felix, isang dating faculty ng PLM, bitbit ang makapal na ebidensiya ng malaking kawalanghiyaan sa pamimigay ng diploma sa ilalim ng ETEEAP.
Kabilang sa kopya ng dokumento ang isang liham na pirmado mismo ni Vitriolo na noo’y OIC sa Office of the Executive Director IV ng CHED kay Ms. Victoria Yumang, dating resident auditor ng PLM na may petsang November 27, 2008:
”In reply to your inquiry about the Pamantasan ng Lungsod ng Maynila (PLM) implementing the Expanded Tertiary Education Equivalency and Accreditation Program (ETEEAP), please be informed that the Commission on Higher Education has the sole power and function to deputize higher education institutions (HEIs) to implement the ETEEAP.
CHED Memorandum Order (CMO) No. 21, s1997 clearly provides the Centers of Excellence or Centers of Development, or programs with Level III accreditation from any of the accrediting agencies recognized by the CHED may be deputized. In addition, CMO No.41, s2007 lists the deputized HEIs and their program offerings through the ETEEAP. The PLM has not been deputized by the CHED and is not included in the said List.”
Maliwanag na ilegal at malamang kaysa hindi na limpak-limpak ang kinita ng mga salaulang opisyal ng PLM noon sa karumal-dumal na diploma raket gamit ang ETEEAP na wala namang basbas at pahintulot ng CHED.
Hawak pa nga natin ang kopya ng listahan ng mga dati at kasalukuyang opisyal sa pamahalaan na kabilang sa mga nagpapanggap na may diploma at nagtapos ng bachelors, masters at doctorate degree sa PLM.
Ginamit na diploma mill ng mga dating opisyal ng PLM ang ETEEAP para bihisan ng titulo ang mga peronalidad na nagnanais maitalaga sa matataas na puwesto sa gobyerno gayong wala namang accreditation mula sa CHED na magpatupad ng nasabing programa.
Dahil wala siyang ginawa para ipatigil ang kawalanghiyaan ng masisibang opisyal sa PLM noon na gumahasa sa ETEEAP ng CHED kaya si Vitriolo ay pinaniniwalaang nakinabang sa anomalya.
Sinalaula nila ang mataas na reputasyon ng PLM bilang isa sa pinakamahusay na unibersidad sa bansa kaya dapat lang makasuhan at mapanagot din sa batas ang mga dating sangkot na opisyal.
Sana, ipahanap ni Pangulong Rodrigo “Digong” Duterte ang mga naipuwesto sa pamahalaan na ‘bogus’ at walang bisa kaya halos katumbas sa gawang Recto ang inipresentang credentials.
Hindi ba estafa thru falsification of public documents ang tawag riyan?
MGA NAGPAPANGGAP
NA MAY NATAPOS
PERO bukod sa mga politiko, alam n’yo ba na may ilang nasa media rin ang kasamang napagkalooban ng palsipikadong diploma ng PLM at nakakuha ng appointment na maipuwesto sa gobyerno na peke ang credentials?
Dapat lang ipalabas ang listahan para mabisto kung sino-sino ang mga impostor na nabigyan ng pekeng diploma at nagpapanggap na may bachelor, masteral at doctorate degree sa PLM na nakakuha ng puwesto sa pamahalaan.
Hindi na nahiya sa balat nila ang mga hindoropot na naaatim gumamit ng ‘bogus’ o walang bisang titulo bilang mga propesyonal kahit wala naman talagang natapos na kurso sa kolehiyo.
Dapat din malaman kung awtorisado ng Department of Education (DepEd) at CHED na magturo ng kursong journalism ang isang paaralan sa Subic Bay Metropolitan Administration (SBMA).
PARANGALAN
ANG NAGKASO
SI G. Felix ay tinanggal sa pagtuturo matapos niyang sampahan ng kaso sa Ombudsman ang mga opisyal ng PLM sa pamumuno ng dating pangulo na si Dr. Benjamin Tayabas at ng kanyang board of regents.
Humahanga tayo kay G. Felix na nagtaya ng sariling kapalaran para ipagmalasakit ang interes at integridad ng PLM at buong educational system sa bansa laban sa mga tiwaling opisyal ng unibersidad.
Ang mga tulad ni G. Felix ang dapat gawaran ng parangal, hindi ang mga impostor na may pekeng diploma.
Kailan naman kaya makakasuhan ang mga dating opisyal ng PLM na kasabwat ni Vitriolo sa raket?
(Para sa anumang sumbong at reaksiyon, mag-text o tumawag sa 09174842180. Maaring ipadala ang inyong liham sa e-mail address: [email protected])