KABILANG kami sa maraming viewers na nakapanood sa full trailer ng “Ang Panday” na unang directorial job ni Coco Martin at kanya rin pinagbibidahan.
Tulad ng nakararami ay namangha kami sa sobrang ganda at pulidong pagkakagawa o pagkaka-direk ni Coco ng movie entry niya sa Metro Manila Film Festival 2017.
Bukod sa petmalu (malupit) na special effects at production design na maile-level sa action-fantasy foreign film halos lahat ng eksena ay malalaki lalo na ‘yung eksena nina Flavio (Martin) at Lizardo (Jake Cuenca) sa Tondo na umaapaw sa dami ang crowd.
Ilan sa big scenes sa Ang Panday ang pagpasok ni Coco sa kaharian ng mga Diwata para makuha ang Balaraw na utos ng isang matanda na ginagampanan ni Joone Gamboa at ang pakikipaglaban kay Lizardo at sa mga kampon nitong aswang at zombies.
May tagpo rin na hinahasa siya sa martial arts ng kasamahan niya sa FPJ’s Ang Probinsyano na si Lito Lapid. Binigyan ni Coco ng bagong bihis ang pelikula ng idol niyang si Fernando Poe, Jr., na akma sa millennial moviegoers.
Sa panayam sa kanya, sinabi ng phenomenal star, na dugo at pawis talaga ang kanyang ipinuhunan dito sa Ang Panday.
“Ang hirap, dugo at pawis talaga ang puhunan namin. Kasi ang hirap din ng mga location namin tapos malalaki ang mga eksena. ‘Pag direktor ka mag-focus ka lang sa eksena, ‘pag producer ka iko-consider mo kahit ang weather (ang panahon) at ang mga artist mo.
“Siyempre aktor ako, ayaw ko ‘yung naiinip sila. Kung kumain na ba sila? Kung okay ba ‘yung pagkain? Kung lahat ay okay,” masaya at nakangiting sabi ni Coco.
Bukod kay Coco at sa dalawang leading ladies na sina Mariel de Leon at Miss International Kylie Versoza, aabot rin sa 100 stars ang parte ng cast ng Ang Panday, na inyo nang mapapanood simula December 25 sa mahigit 200 theaters nationwide.
Handog ito ng CCM Film Productions ni Coco at kanyang idinirek gamit ang totoong pangalan na Rodel Nacianceno.
Lahat ng probinsiyang pinuntahan ni Coco para sa Ang Panday provincial tour kasama ang ilang cast ay pinagkakaguluhan sa airport pa lang. Maraming fans ang sumalubong sa kanya at matindi ang naging pagtanggap sa ng mga tao lalo sa aming lugar sa GENSAN na applauded lahat ang number ng actor at pinanood pa siya ng nanay ni Pacman na si Mommy Dionisia.
Tunay ngang “idolo ng masa” si Coco Martin.
JEROME PONCE
NAGLAYAS
SA “THE GOOD SON”
Mukhang nahuhulaan na ng TV viewers na patuloy na sumusubaybay sa top rating teleserye ng Dreamscape Entertainment at ABS-CBN na “The Good Son” kung sino ang pumatay sa negosyanteng si Victor Buenavidez (Albert Martinez) sa rami ng mga lihim na unti-unti nang nalalantad sa serye.
Kung dati, ang ibang babae ni Victor na si Raquel (Mylene Dizon) o ang kapatid na si Anthony (John Estrada) ang suspek sa pagpatay, ngayon ay nabaling na sa misis ni Victor na si Olivia (Eula Valdez) at family driver na si Dado (Jeric Raval) dahil nahuli sila ni Enzo (Jerome Ponce) habang naghahalikan sa loob ng elevator noong magkasama sila sa convention sa Antipolo City.
Gusto kasing patunayan ni Enzo sa kapatid sa ama na si Joseph (Joshua Garcia) na mali ang duda niya sa mommy niya at sa driver nila kaya laking galit ng panganay ni Olivia na siya pa mismo ang nakahuli sa lihim ng kanyang mommy.
Dahil dito, lumayas ng bahay nila si Enzo dahil ayaw niyang marinig pa ang mga kasinungalingan ng ina at sa katuwirang kaya raw siya malapit sa driver nila ay dahil ipinagtatanggol siya simula mga bata pa sila kaya malapit silang magkaibigan.
Pero may buwelta si Enzo, “Friends doesn’t kiss each other, mom.”
Samantala, nabuking sa isa sa episode ng The Good Son na maysakit na schizophrenia si Olivia na lumaki palang walang pagmamahal mula sa ama, na mas gusto ng anak na lalaki bukod sa mahina ang utak niya noong nag-aaral pa. Tanging ang mommy niyang si Donya Matilda (Liza Lorena) ang nagmamahal sa kanya.
Ang bunso naman ni Olivia na si Calvin (Nash Aguas) dahil kakaiba ang ugali ay pinagdududahan na rin na siya ang posibleng killer ng tatay nila lalo’t masama ang loob niya rito dahil sa pang-iiwan sa kanila noon.
Sa paglayas ni Enzo, hindi siya iiwanan ni Joseph. Abangan sila at ang iba pang karakter sa The Good Son, na umeere weeknights after La Luna Sange sa Primetime Bida sa Kapamilya network.
ShaBin love team balik
takilya Queen & King
“UNEXPECTEDLY YOURS”
LAMPAS P50-M NA ANG KITA
Matapos dumugin ang red carpet premiere ng “Unexpectedly Yours” sa SM Megamall Cinema ay kumita ang movie nina Sharon Cuneta at Robin Padilla with JoshLia love team ng P14 milyones sa first day showing nito sa la hat ng cinema nationwide.
Sa loob lamang ng apat na araw ay humamig na ng P50 milyon. May ilang netizens ang nag-comment: “the queen of box office is back!” patungkol kay Megastar at siyempre kay Binoe din na ilang beses nahirang na Box Office King noon.
Well, dahil ‘di kilalang selfish at love my own si Shawie siyempre para sa kanya ay team effort ito at maganda ‘yung movie nila sa Star Cinema kaya kumita, at plus and big factor din ang blockbuster lady director na si Cathy Garcia-Molina ang nag-direk nito.
Samantala, kaliwa’t kanan rin ang schedule ng block screenings ng “Unexpectedly Yours” na organisado ng iba’t ibang fans club ni Sharon, na hanggang ngayon ay diehard sa kanilang lodi (idol).