PINANGUNAHAN nina Vice President Leni Robredo at Defense Secretary Delfin Lorenzana ang simpleng pagdiriwang ng ika-154 kaarawan ng bayaning si Andres Bonifacio sa Bonifacio Monument, kahapon ng umaga sa Caloocan City.
Unang napaulat na pangungunahan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang seremonya kasama ang kanyang spokesman na si Harry Roque, ngunit hindi nakadalo ang punong ehekutibo dahil bumisita sa Mindanao.
Kabilang sa mga dumalo sa seremonya sina Caloocan City Mayor Oscar Malapitan, Armed Forces of the Philippines (AFP) Chief of Staff Gen. Rey Leonardo Guerrero, National Historical Commission Director Ludovico Badoy, at Atty. Gregorio Bonifacio, kamag-anak ni Gat Andres Bonifacio.
Sa opening remarks ni Mayor Malapitan, binigyan-diin niya ang 20 porsiyentong pagbaba ng crime rates sa lungsod at ang nakalinyang ipatutupad na mga programa at proyekto ng lokal na pamahalaan, kabilang ang Tutuban-Clark Railways at pagbubukas ng bagong Big Dome sa 8 Disyembre at bagong city hall na nakatakdang buksan sa 19 Disyembre.
Nagtapos ang pagdiriwang sa pagsasalita ni Secretay Lorenzana na nagsilbing guest of honor at speaker, na binanggit ang tungkol sa tunay na kuwento ng buhay ni Bonifacio.
(ROMMEL SALES)