SWAK sa hoyo ang isang hinihinalang lider ng robbery-holdup group na bumibiktima ng mga pasahero sa C-3 Road makaraan makipagbarilan sa mga pulis sa Caloocan City, kamakalawa ng hapon.
Kinilala ni Northern Police District (NPD) director, Chief Supt. Amando Empiso ang arestadong suspek na si Kenneth Yanga, 20, ng Block 13, Pamasawata, C-3 Road, Brgy. 28, ng nabanggit na lungsod.
Ang suspek ay positibong kinilala ng mga biktimang sina Eugene Norona, 29, at Mark Tabuena, 17, kapwa ng Brgy. Longos, Malabon City, bilang lider umano ng grupo ng mga lalaking nangholdap sa mga pasaherong naghihintay ng masasakyan sa C-3 Road ng nabanggit na lungsod.
Ayon sa ulat ni DSOU head, Senior Insp. Robert Bunayog, dakong 5:00 pm hinoldap ng mga suspek ang mga biktima ngunit napansin sila ni PO3 Erneso Estrella ng District Special Operations Unit (DSOU) na napadaan sa lugar.
Nakipagpalitan ng putok ang mga suspek kay PO3 Estrella at pagkaraan ay tumakas.
Gayonman, sa follow-up operation ay arestado ng mga awtoridad ang suspek habang pinaghahanap ang kanyang mga kasamahan.
(ROMMEL SALES)