PATAY ang dalawang hinihinalang karnaper makaraan makipagbarilan sa mga operatiba ng Quezon City Police District (QCPD) sa Brgy. Balingasa, Quezon City, kahapon ng madaling araw.
Sa ulat kay QCPD director, Chief Supt. Guillermo Lorenzo T. Eleazar, kinilala ang isa sa mga napatay sa pamamagitan ng Philhealth card, na si Emmanuel Melegrito, 52, residente sa Brgy. 666, Zone 72, District V, Ermita, Maynila, habang wala pang pagkakakilanlan ang isa pang suspek.
Sa imbestigasyon ng Criminal Investigation and Detection Unit (CIDU), dakong 11:45 pm, ipinarada ng biktimang si Alejandro Dapadap ang kanyang Yamaha Mio Sporty motorcycle (8908-SD) sa harap ng isang fast food store sa E. Rodriguez Avenue, Quezon City ngunit nang balikan makaraan ang ilan minuto, ay nawawala na ang sasakyan.
Ipinaalam ni Dapadap ang insidente sa pulisya kaya agad naglatag ng mga checkpoint sa mga lugar na maaaring daanan ng mga suspek.
Dakong 12:30 am, naispatan ng mga tauhan ng District Special Operation Unit (DSOU) ang mga suspek sa kanto ng Eleven Road at Harmony St., Brgy. Balingasa.
Nang sitahin ng mga pulis ay bumunot ng baril ang mga suspek at nakipagpalitan ng putok sa mga awtoridad na kanilang ikinamatay.
Narekober sa mga suspek ang isang .380 kalibreng pistola at magazine na may bala, at isang .38 kalibreng rebolver na may mga bala.
Bukod dito, nakuha rin sa dalawa ang ninakaw na motorsiklo ni Dapadap, dalawang cellphones at dalawang bag na pambabae na hinihinalang ninakaw rin sa mga biktima. (ALMAR DANGUILAN)