AMINADO ang Hashtag member na si Nikko Natividad na excited siya sa Hanggang Saan dahil ito ang una niyang teleserye. Ayon kay Nikko, umaasa siyang ang bagong project na ito ay magiging susi para mas makilala pa siya ng madla.
Sinabi ni Nikko na ito ay napakalaking blessings sa kanya na bukod sa pagiging dancer ay nabigyan siya ng chance na maging TV host din. Ayon sa Kapamilya aktor, maituturing niyang bonus ang pagkakaroon ng pagkakataong umarte sa harap ng camera.
“First teleserye ko po ito kaya excited po ako siyempre, dahil bago po sa akin ito. At sabi ko nga, iba ang audience ng It’s Showtime, iba ang audience ng teleserye. Kaya hoping ako na mas marami na ang makakikilala sa akin dahil sa Hanggang Saan,” pahayag ng actor/TV host/dancer.
Ano ang role mo sa Hanggang Saan?
Sagot ni Nikko, “Bale, ako iyong bestfriend at kababata ni Arjo Atayde rito.”
Dagdag niya, “Ako kasi ‘yung makulit dito at medyo comedy ‘yung ginagawa ko rito. Pero hindi ko rin masabi, dahil baka biglang pasabakin din ako sa drama. Kasi, ang Hanggang Saan ay heavy drama talaga.”
Kung isabak ka sa drama, hindi ka kaya manibago dahil mas kilala ka ng mga tao bilang komedyante o kengkoy kapag nakikita ka sa TV? Kinabahan ka rin ba habang ginagawa ang teleseryeng ito?
“Para sa akin ay masaya ako sa role ko rito at gusto ko ‘yung chracter ko rito,” saad niya. Pagpapatuloy ni Nikko, “Always naman akong kinakabahan lalo na at hindi ko pa kilala ang mga ka-work ko from staff to artist. Kaya ang ginagawa ko, basta pinaghuhusayan ko na lang ang work ko po.”
Ang Hanggang Saan ay tinatampukan nina Ms. Sylvia Sanchez, Arjo, Ariel Rivera, Yves Flores, Maris Racal, Teresa Loyzaga, Marlo Mortel, at iba pa. Ito’y sa direksyon nina Mervyn Brondial at Jeffrey Jeturian.
LA SANTOS,
HINDI PINAKANTA
NI WILLIE REVILLAME
SA WOWOWIN
MARAMING nagmamahal kay LA Santos ang nasaktan nang hindi siya pinakanta sa Wowowin kamakailan. Ang hindi magandang experience ni LA sa programa ni Willie Revillame ay naganap last week nang nagpunta si LA sa taping ng Wowowin kasama ang K-Pop boy band na Halo.
Balita namin ay nagtatatalak at nairita raw si Willie, pinagalitan ang staff ng show dahil K-Pop daw ang sinabi nilang bisita pero bakit may Pinoy daw na kasama sa grupo, na ang tinutukoy ay si LA nga. Kaya ang naging ending, ang Halo lang ang nag-perform sa Wowowin at si LA na bisita ng show ni Willie ay nalaglag at hindi pinakanta!
Nang makapanayam namin si LA sa mini fan meet and fan signing event ng Halo at ni LA na ginanap sa sa K-Pub BBQ sa Roofdeck ng Glorietta-1, nagulat kami dahil hindi man lang kinakitaan ng tampo ang guwapitong recording artist.
“Ang nangyari po roon is parang… kasi si Tito Willie po, nagustuhan ko rin po talaga ‘yung vision niya para sa amin. Kasi noong una may collab kami ng Halo, parang ‘di niya po masyadong nagustuhan, tapos ini-explain niya po sa amin bakit niya ‘di nagustuhan po, tapos na-understand ko naman po. Tapos kinausap pa po ako ni Tito Willie, natuwa po ako na parang gusto niya pa po akong tulungan, parang gusto niya po akong ihiwalay. Kasi, parang kapag isinama niya ako sa K Pop na group, parang ‘di magtutugma po, so ‘yun po ang ginawa niya.
“So win-win pa rin sa aming mga grupo. Parang ‘di naman po ako na-down doon, actually na-excite pa nga po ako. Pero masaya po ako para sa Halo, at least na-promote pa rin nila ‘yung group nila rito and ‘yung concert,” saad ni LA na idiniin pang hindi siya na-offend sa nangyari.
Kaya talagang nakabibilib ang guwapitong tinaguriang The Singing Idol dahil hindi lang talented, kung hindi may taglay ding mabuting kalooban si LA na hindi marunong magtanim ng sama ng loob sa kapwa niya. Kaya lalo siyang pinagpapala at madalas maging front act ng mga international artists na kilala talaga sa buong mundo tulad ng The Stylistics, Air Supply, at ni Patti Austin.
Abangan din si LA bilang tanging Filipino na bahagi ng KFest Philippines concert with U-Kiss, Halo, Laboum, at Walwari na magaganap early next year.
ALAM MO NA!
ni Nonie V. Nicasio