NGAYONG 2 Disyembre 2017 ay ika-118 anibersaryo ng kamatayan ni Gregorio Del Pilar sa Tirad Pass para mabigyan ng panahon ang kanyang padron na si Emilio Aguinaldo na makalayo mula sa mga humahabol na sundalong Amerikano kahit malinaw pa sa sikat ng araw na winaldas niya ang pagkakataon para magtagumpay ang rebolusyon na inumpisahan ng kanyang ipinapatay na si Andres Bonifacio.
Si Gregorio, na mas kilala ng mga kababaihan sa palayaw na Goyo, ay ipinanganak noong 14 Nobyembre 1875 sa Bulakan, Bulacan. Pamangkin siya ng magiting na bayani na si Marcelo H. Del Pilar.
Si Gregorio ay isa sa pinakatapat na tao ni Aguinaldo na iniuugnay sa kamatayan ng magkapatid na Manuel at Jose Bernal, mga tauhan ni Heneral Antonio Luna na ipinapatay naman ni Aguinaldo sa kanyang mga bantay sa Cabanatuan, Nueva Ecija noong 5 Hunyo 1899.
Bagamat sinasabing tunay na matapang si Gregorio kaya siya naging heneral sa batang edad, mas nakilala siya dahil sa kanyang walang saysay na pagkamatay sa Pasong Tirad sa bayan ng Cervantes, Ilocos Sur.
Ayon sa mga testigo ay nakombinsi ni Aguinaldo si Goyo na manindigan sa Pasong Tirad sa kabila ng kakapusan ng tao at kawalan ng maayos na paghahanda kaya hindi kataka-taka na sa loob lamang ng anim na oras ay natalo sila ng mga Amerikano katulong ang isang giyang Filipino na kinilalang si Januario Galut.
Ayon sa namayapang premyadong historyador na si Nick Joaquin sa kanyang akda na “A Question of Heroes,” dapat ay nagwagi si Gregorio sa Pasong tirad kung mayroon lamang tamang preparasyon at hindi hibo lamang ang nasa likod ng desisyon na manindigan sa Pasong Tirad.
Sabi ni Joaquin, “The annals of war show that in mountain warfare, especially in actions on a mountain pass, the advantage is with the defender, not the invader, and victory must be expected from the defender.”
Idinagdag ni Joaquin na katangahan ang pasya na tindigan ang Pasong Tirad ng 60 tao lamang (52 sa kanila ang napatay sa labanan samantala dalawang Amerikano lamang ang kanilang napatay). Pinatunayan ng Pasong Tirad na hindi puwede ang estilo nating mga Filipino sa pagtugon sa mga problema na “puwede na ‘yan o OK na ‘yan.”
Bukod sa walang saysay na sakripisyo sa Pasong Tirad, ay lumalabas na ang kamatayan ni Gregorio ay bunga ng kawalan ng karanasan sa labanan.
Ayon kay Telesforo Carrasco, isa sa mga sundalo ni Gregorio, pinagsabihan na ang heneral na magkubli dahil siya ay isang target ngunit sa kagustuhan na makita niya ang mga bumabaril sa kanya ay pilit na sumungaw mula sa damuhan kaya nabaril sa leeg at agad na namatay.
Idiniin ni Joaquin na ang Pasong Tirad ay hindi simbolo ng kabayanihan kundi ng katangahan.
***
Unti-unti nang kinikilala sa mundo, lalo na sa US, ang pagkain nating mga Filipino ayon kina Anthony Bourdain at Andrew Zimmern, mga bantog na food connoisseurs ng daigdig. Para sa karagdagang detalye ay pasyalan ninyo ang Beyond Deadlines sa www.beyonddeadlines.com
Sana ay makaugalian ninyo na bisitahin lagi ang website ng Beyond Deadlines at panoorin ang segment nito sa Pinoy Houston TV o Howdy Philippines channel ng YouTube. Salamat po.
***
Kung ibig ninyong maligo sa hot spring ay maaari kayong pumunta sa Infinity Resort sa Indigo Bay Subdivision, Brgy. Bagong Kalsada, Calamba City. Malapit lamang sa Metro Manila at mula sa resort na ito ay tanaw ninyo ang banal na bundok Makiling.
Magpadala ng mensahe sa www.facebook.com/privatehotspringresort para sa karagdagang impormasyon o reserbasyon ng lugar. Salamat po.