DUMATING na sa bansa ang labi ng aktres na si Isabel Granada at matapos na ayusan ng kaunti ay idiniretso na sa Sanctuario de San Jose na roon siya ibuburol, pero sa unang araw ay hiniling ng pamilya na hayaan muna silang magkaroon ng pribadong pagkakataon na mailabas ang kanilang kalungkutan. Pero sa mga nakakita sa kanyang labi, kahit na bago pa man siya dalhin dito, sinasabi nilang siya ay “isang sleeping beauty.”
Hindi nila madarama ang matinding sakit ng pagkawala ni Isabel, habang nariyan pa siya at nakikita nila, ang masakit niyan ay pagkatapos ng cremation. Ang talagang maaapektuhan diyan unang-una na nga ang kanyang asawang si Arnel Cowley na nagsasabi ngang hindi niya alam kung paano siya makamo-move on ngayong wala na ang kanyang asawa.
Hindi sila nagkaroon ng anak sa kabila ng dalawang taong pagsasama.
Ang isa pang maaapektuhan nang husto ay ang ermat ni Isabel na si Mommy Guapa, dahil wala na siyang kasama ngayon.
Nag-iisang anak niya si Isabel, at patay na rin naman ang kanyang asawa. Kaya siguro sinasabi nga niya na “sana ako na lang ang nauna.” Pero siguro naman, hindi pababayaan ni Arnel ang kanyang biyenan. (Kahit hiwalay na sina Jericho at Isabel, hindi pinabayaan ni Jericho si Mommy Guapa—ED)
Ang dating asawa ni Isabel, si Jericho, may kinakasama ng iba, iyong dating sexy star na si Jaycee Parker, kaya masasabing naka-move on na iyan noon pa man. Isa pa, may anak siyang naiwan ni Isabel.
Para sa maraming tao, kabilang na ang mga kapwa niya artista at fans, masakit iyan sa ngayon pero siyempre hindi kasing sakit ng nadarama ng kanyang pamilya. Matagal bago makalimutan ng mga tao si Isabel, dahil sa kanyang naging mahusay na pakikitungo sa lahat.
Naalala lang namin, nailagay na ba si Isabel sa Walk of Fame Philippines ni Kuya Germs? (Parang hindi pa, wala pa ang pangalan niya roon—ED)
ISABEL, BINIGYAN
NG MILITARY HONORS
KAHAPON ng umaga dumating ng Pilipinas ang labi ni Isabel Granada mula Doha, Qatar.
Isang military honors ang ibinigay sa aktres dahil airwoman rank siya sa Air Force. Reservist ang aktres mula 2001 hanggang 2003. Naging player siya ng volleyball team ng Air Force noong mga panahong iyon at madalas ding dumadalo sa mga pagtitipon na isinasagawa ng Air Force.
Mula sa hangar, na sinalubong ng kanyang anak na si Hubert at dating asawang si Jericho Genasky Aguas, dinala ang labi ni Isabel sa Arlington para ilipat sa totoong ataul at saka ito dadalhin sa Sanctuario de San Jose Parish sa Greenhills.
Ang asawang si Arnel Cowley naman ang nagdala sa labi ni Isabel.
Narito ang schedule ng wake at funeral ni Isabel: Nov.10 (Friday)—Public viewing: (10am-5pm only); private visit and viewing for family & close friends (until 12 mn only); Nov. 11 (Saturday)—Public viewing: (10am-5pm only), Private visit and viewing for family and close friends (until 12 mn only), Eulogy at 7 pm; Nov. 12 (Sunday)—11:30 a.m. Transfer to Arlington, 1:00 p.m. Final Mass, 2:00 p.m. Cremation, 4:00 p.m. Transfer back to Sanctuario de San Jose.