MABUTI naman at nagkaintindihan din ang mga director na sina Mike de Leon at Chris Martinez, na nagkasagutan sa social media dahil sa isang comment ni direk Mike tungkol sa mga pelikulang napili sa MMFF batay sa kanilang script.
Sinasabi ni direk Mike na dahil doon, hindi na niya ipapasok sa MMFF ang kanyang ginawang pelikula kahit sinasabing sigurado siyang pasok kung sasali siya.
May katuwiran namang sumama ang loob ni direk Chris na siyang director ng pelikula ni Vic Sotto, at lalo na si Joyce Bernal na siyang director ng pelikula ni Vice Ganda na partikular siyang binanggit ni De Leon.
Mayroon kasi silang hindi matanggap eh, na iyang festival na iyan ay isang trade festival. Mayroon iyang mga beneficiary na umaasa sa kikitain niyan. May mga sinehang umaasa ring kikita sila sa panahong iyon. Iyon ang dahilan kung bakit iniisip ng festival committee iyong “commercial viability” ng mga pelikulang kasali. Iyong mga indie, ang dami na nilang festival, mayroon pa silang regular na Cine Lokal, isang taon nang nalulugi iyang Cine Lokal na iyan pero sige lang. Para hindi masabi niyang mga indie na hindi sila nakalalabas sa mga sinehan.
Iyong mga festival naman nila walang kumikita eh. Iyang Cine Lokal wala rin naman eh. Bakit naman aalisin pa ninyo iyong mga commercially viable movies sa MMFF na kailangang kumita alang-alang sa beneficiaries nila sa industriya ng pelikula? Iyan na lang ang inaasahan ng Mowelfund.