MULA sa pagiging actor sa indie film, malayo na ang narating ng isang Coco Martin. Malaki na ang ibinuti niya bilang actor at naging masyadong creative.
Marami nga ang nasasabing hindi na lang actor ngayon ni Coco, dahil bukod sa pagdidirehe at pagiging producer, nasa creative at editing na rin siya.
Kaya naman ang tanong ng karamihan, saan natutuhan ni Coco ang lahat ng ito?
“Instinct and gut feel,” anito. “Minsan kasi, hindi ko rin maipaliwanag. Hindi ko rin alam, na kaya ko na palang magdirehe. Siyempre kasi lagi lang po akong mayroong idea. Parang siguro noong bata pa lang ako, parang lagi akong masuwestiyon,” na siyang pinatutunayan niya ngayon at nakikita sa mga proyektong ginagawa niya tulad ng FPJ Ang Probinsyano at ang bagong Ang Panday game app.
Sinabi pa ni Coco na, “mahilig akong makinig. Kasi natatandaan ko, ang kauna-unahan kong acting experience, dahil wala naman akong alam sa acting. Nasubukan ko talagang pinagalitan ng pinakauna kong director dahil hindi ako marunong umarte. ‘Yun ‘yung tumatak sa buhay ko.
“Then after niyon, sabi ko ayaw ko nang mangyari iyon dahil alam ko kung gaano kasakit, at kung gaano ako napahiya noon sa maraming tao.
“Kaya everytime na may ginagawa akong project, extra man ako hindi mo ako makikitang nag-i-standby sa set, lagi mo akong makikita roon sa set mismo at nakikinig ako, pinanonood ko, the way na paano binubuo ang isang eksena, kung paano umaarte ang mga artista, kung paano nagdidirehe ang isang director. Lagi akong ganoon.
“Mahilig akong mag-adopt. Mahilig akong makinig. Nakikinig lang ako ng nakikinig. Siguro nang dumating na ‘yung point na kahit paano nagkakaroon na ako ng chance na mailabas ang boses ko, roon ko na naisi-share ang mga idea ko and then mahilig po akong makipag-collaborate.
“Anytime, kahit maliit man ‘yan, maliit na bagay ‘yan, lagi akong nagsi-share, ‘what if… ganyan’.
“Lagi po kasi akong naniniwala sa team work eh. Ayun, kahit ‘yung nakita ko lang na gumawa sila ng game, nai-share ko lang ‘yung naisip ko na ‘what if ganyan, ganyan…’”
At kahit malakas na nga sa mga bata si Coco, nagpupursige pa siyang makilala ng mga bata ang mga proyektong ginagawa niya. Tulad ng Ang Panday na entry niya sa Metro Manila Film Festival, idinaan muna niya sa laro sa pamamagitan ng Ang Panday game app para mas makilala muna si Panday.
“Karamihan kasi ng mga bata nakatutok sa social media o cellphone kaya mas mabilis nilang makikilala kung sino si Panday,” giit ni Coco.
DUGO’T PAWIS
AT BUHAY, IBINIGAY
SA ANG PANDAY
And speaking of Ang Panday, sinabi ni Coco na tapos na tapos na ito. ”Finally natapos ko na siya. Siguro lahat ng aking dream, lahat ng aking pangarap isinagad ko na hanggang sa last day shooting namin.”
“Dugo’t pawis at buhay ang ibinigay ko dahil ang location namin sobrang hirap talagang sabi ko, hindi pala biro na maging director, kasi at the same time na ikaw ang producer, napakahirap ng pagdaraanan mo.
“Apat kasi ako—director, produ, artista, creative—lahat ginawa ko, pero sabi ko nga ang sarap sa pakiramdam after ng natapos na.”
Aminado si Coco na nahirapan siyang gawin ang Ang Panday. ”Ang hirap dahil isinasabay ko sa ‘Ang Probinsiyano’ pero kapag gusto mo ang ginawa mo kahit halos hindi mo na kayang bumangon dahil sa sobrang pagod hindi ‘yung makapipigil sa iyo sa determinasyon na alam mo na kinakailangan mong tumayo dahil may purpose kung bakit mo ginagawa ito. And then ang sarap ng pakiramdam lalo na kung nakikita mo ‘yung resulta.”
Napag-alaman din naming tinutukan din ni Coco ang editing para matiyak na talagang maganda ang kalalabasan ng Ang Panday na mapapanood na sa December 25.