TAMPOK si Carlos Morales sa indie film na Rolyo. Dito’y dual role si Carlos dahil hindi lang siya artista rito, kundi director din. Ito bale ang unang pelikula ng aktor mula nang nag-aral siya ng filmmaking sa New York Film Academy.
“Ito ‘yung ginawa ko after ng NYFA, eto na iyong first na ginawa ko talaga after NYFA,” wika ni Carlos.
Sinabi rin niya ang hinggil sa pelikulang Rolyo. “The film centers on Larry, iyong main character sa movie na isa siyang sobrang yaman, may sariling business siya at isang successful businessman. Pero nagkaroon siya ng parang reversal of fortune, lahat naano sa kanya, iyong asawa niya nagka-cancer, tapos iyong business niya eventually ay pinahamak siya ng confidant niya. Kumbaga, pinirmahan niya iyong isang dokumento na hindi niya binabasa dahil sa sobrang tiwala niya, doon nag-start lahat.”
Bakit Rolyo ang title ng movie na ito?
Tugon ni Carlos, “Actually, ang buhay kasi natin, parang pelikula rin, e. Na everyday you play a different story, iba-ibang script sa iba-ibang araw. Kumbaga everyday, kung ano man ang ibinigay sa iyong script, you have to play it day by day. So parang may connect din sa showbiz, kaya kung mapapansin n’yo ang poster ng movie, gulong siya tapos ay may reel ng film. Parang gulong siya ng buhay na minsan ay nasa itaas ka, minsan ay nasa ibaba. Minsan ay marami kang struggles na dapat pagdaanan, kaya Rolyo.”
Inusisa rin namin kung ano ang naramdaman niya nang magwaging Best Actor recently sa International Film Festival Manhattan para pa rin sa pelikulang ito.
“Parang parehas lang noong first na award ko, e. Pero siyempre, kumbaga sa pananaw ng ibang tao, mas may kaunting prestige lang ito kasi film festival sa abroad.
“Pero it’s the same e, kumbaga, parang ‘yung feeling na napakasarap, siyempre every actor’s dreams to go there and receive an award. Iyon bang overwhelming ang pakiramdam, ang sarap ng feeling. First time ko ito na manalo sa international film festival, e.”
Unang nanalo ng Best Actor award si Carlos para sa pelikulang Laro Sa Baga noong 2000 Star Awards for Movies.
Sino pa ‘yung mga artistang gusto mong idirek talaga? “Kung sino talaga?” Sagot-tanong ng actor. Patuloy pa niya, “Eversince sina Nora Aunor, Vilma Santos, tapos si Maricel (Soriano), ‘yun talaga. Kapag sa lalaki naman, si ano… kaya lang namatay na e… si Mark Gil talaga ‘yung parang idol ko, e. Saka si ano siyempre, si Eddie Garica.”
Bakit sila? “Kasi alam mo na may depth talaga sila sa acting. Saka siyempre, you know, sila iyong mga people that I look up to sa showbiz talaga, e” esplika ni Carlos.