HINDI man kilala o sikat ang mga bida sa pelikulang Guerrero, marami ang pumuri at nagandahan sa pelikulang ito na nagkaroon ng premiere night kamakailan sa SM Megamall.
Hinangaan ng mga nakapanood ang galing at pagka-smart ng batang bida na si Julio Cesar Sabenorio na gumaganap bilang si Miguel, bunsong kapatid ni Genesis Gomez.
Agaw-eksena si Julio dahil sa mga punchline niya. Tila hindi baguhan ang bagets sa pagganap.
Hindi rin naman nagpahuli ang bidang si Gomez na isang wedding photographer na naging actor. Dumaan si Gomez sa audition para makuha ang title role.
Hindi rin naman kataka-taka kung marami ang magandahan sa pelikulang Guerrero dahil itoý idinirehe ng award winning director na si Carlo Ortega Cuevas na siyang director ng Walang Take Two. Si Cuevas ay nagwagi bilang Best Director sa Foreign Language sa International Filmmaker Festival of World Cinema at Best New Comer Filmmaker of the Year sa World Film Awards na ginanap sa Jakarta, Indonesia para sa pelikulang Walang Take Two.
Pinatunayan ni Cuevas na hindi nasusukat ang ganda ng pelikula sa mga sikat na gumaganap. Nsa istorya pa rin ito.
Ang pelikula ay tungkol sa pagbagsak at tagumpay sa buhay ng mga boksigero.
Aminado si Cuevas na na-pressure siya sa pelikula pero umaasa siyang marami ang matutuwa at magkakagusto sa istorya na siya namang nangyari.
Kasama ni Cuevas na gumawa ng Guerrero si Giancarlo Escamillas na siyang cinematographer niya at nagwagi na ng Best Cinematographer in a Foreign Language Film sa Madrid International Film Festival.
Kilala si Cuevas sa paggawa ng real, sincere, at innocent character kaya mas madaling maka-relate ang mga nakakapanood tulad ng Hapi sa EBC’s sitcom Hapi ang Buhay.
Ang Guerrero ang unang venture ng EBC Films at kasama rin sa pelikulang ito sina Joyselle Cabanlong. Mapapanood na ang Guerrero sa November 12.