SINASABING sa Miyerkoles dadalhin ang labi ni Isabel Granada rito sa Pilipinas. Iyan ang sinasabi ng kanyang asawang si Arnel Cowley na nakikipag-ugnayan sa Philippine at Spanish Embassy sa Doha para sa maayos na pagbabalik ng labi ng aktres dito sa atin. Tumutulong pati ang Spanish Embassy sa Doha dahil si Isabel ay isang Spanish national. Ang kanyang amang si Humbert Granada ay half Spanish, habang purong Kastila naman ang kanyang inang si Isabel Castro. Sa umiiral na batas sa Pilipinas, dahil ang sinusunod na prinsipyo ng ating Konstitusyon noong isinilang si Isabel ay “jus sanguinis”, ibig sabihin kinikilala ang citizenship batay sa nationality ng mga magulang, si Isabel ay isang Kastila kahit na rito siya isinilang sa Pilipinas.
Idineklarang patay na si Isabel nang tumigil ang pagtibok ng kanyang puso ng 6:30 p.m. sa Doha,Qatar, batay sa oras na narehistro sa cardiac monitor na nakakabit sa aktres. Mga 11:30 ng gabi iyon sa Pilipinas. Simula nang ipasok siya sa Hammad General Hospital, nakakabit na siya sa isang respirator at isang cardiac monitor. Bagamat sinasabi nga na mukhang malabo na ang sitwasyon ni Isabel, may batas sa Qatar na kailangang panatilihin ang mga life saving machines hanggang hindi maidedeklarang yumao na ang isang tao. Idineklara lamang na yumao si Isabel nang mag-flat line na ang cardiac monitor.
Si Isabel ay 41 years old lamang. Napakabata pa para mangyari ang ganyang bagay pero sa natatandaan namin, ang kanyang amang si Granada na isang chief Marine Engineer ay yumao rin sa edad na 47 noong 1995, ang ikinamatay din niya ay brain aneurysm. Ibig sabihin, nasa pamilya nila talaga ang ganoong komplikasyon.
Tulad din ng aktres na kung sabihin ng kanyang mentor noong si Kuya Germs ay “may pilik matang abot hanggang EDSA”, nag-iisang anak na naiwan si Hubert Thomas, ang kanyang anak sa dating asawang si Jericho Aguas. Bumalik si Hubert Thomas sa Pilipinas, kasama ng kanyang lolang si Isabel Castro Granada, at tatay na si Jericho noong Linggo ng gabi. Sila ang maghahanda naman dito sa atin ng magiging burol at paglalagakan kay Isabel sa huling hantungan.
Hindi pa rin malinaw kung si Isabel nga ay ipaki-cremate na sa Doha bago dalhin sa Pilipinas, dahil iyon ang mas practical, pero sinasabi nga ng kanyang asawang si Arnel na “ang desisyon ay nasa mother niya.” Iyon namang mga kaibigan ni Isabel ay umaasang sana maiuwi muna ang kanyang bangkay upang sa huling pagkakataon ay masilayan muna siya bago ang cremation. Si Isabel mismo ang nagbilin niyon pa man na gusto niya ang cremation.
Ang kanyang buhay may asawa naman, 14 na taong nagsama si Isabel at ang kanyang unang asawang si Jericho bago sila nagkahiwalay, at nagkaroon lamang ng iisang anak. Muli namang umibig at nagpakasal si Isabel kay Arnel noon lamang nakaraang taon.
Sa kanyang unang statement na ipinahatid matapos na mamatay ang asawa, nagpa-abot ng pasasalamat si Arnel sa lahat ng nanalangin at tumulong, lalo na sa Filipino community sa Doha.Qatar. Nagpasalamat din siya sa mga kinatawan ng Pilipinas at Spain sa kanilang mga embassy sa Doha.
Patuloy na humihingi ng panalangin para kay Isabel, na nawa’y matagpuan na niya ang kapayapaang walang hanggan, at ganoon din para sa kanila na nawa’y malampasan nila ang panahon ng kalungkutang ito. Hindi nila inaasahan ang pangyayaring iyan sapagka’t maayos ang kalusugan ni Isabel. Bukod sa pagiging isang aktres, siya ay isang sports buff at manlalaro ng volleyball at iba pa, bukod pa nga sa pagiging isang licensed commercial pilot.
Ipanalangin na lamang natin si Isabel.
HATAWAN
ni Ed de Leon