ANG makasama at makatrabaho ang anak na si Arjo Atayde ang dream project noon ni Sylvia Sanchez. At nangyari naman iyon dahil magsasama sila sa isang teleserye ng ABS-CBN. Kaya naman ang magkasama silang tatlo nina Ria at Arjo ang wish niyang maisakatuparan.
“Gusto ko silang makasama pareho. Pero sabi ko nga in God’s time. Lahat naman ibinigay ni Lord sa akin. Twenty seven years ibinigay niya sa akin ang TGL (The Greatest Love), ‘di willing naman akong maghintay, ‘wag lang 27 years uli kasi matanda na ako niyon, ha ha ha,” natatawang sabi ni Sylvia. “Baka hindi na ako maka-memorya ng lines niyon,” dagdag pa ng aktres.
Gusto namang gampanang role ni Sylvia ang isang bulag, pipi, at bingi na alam niyang mahirap. ”Pero alam ko na kaya kong gampanan iyon, hindi ko alam, hindi ko ma-explain pero kapag nagsabi na ng action, kaya ko. May isa pa akong gusto, ‘yung babaeng hitman na mala-‘Salt’ na pelikula ni Angelina Jolie.”
Ani Sylvia gusto niyang mag-aksiyon. ”Oo gusto kong mag-aksiyon, ‘yung nakasakay sa motor. At kaya pa ‘yan ng kasu-kasuan ko. Kaya rin ako nagpapapayat dahil gusto kong makuha ang role na iyon (action),” sambit pa nito. “’Di ba in na uli ngayon ang action, why not ‘yung action na nanay ‘di ba? ,” anito pero hindi isang super hero ang nais niyang gawin.
At kung may pagkakataon, gusto ring mag-guest ni Sylvia sa FPJ’s Ang Probinsiyano. ”Ay oo, sino ba naman ang tatanggi sa ‘Ang Probinsyano’?! Oo naman, kaya lang paano ko gagawin iyon? Pero kung guest why not? Wala ring problema kahit anong role ang ibigay sa akin.”
Ipinagtapat pa ni Sylvia na marami pang role ang gusto niyang gampanan pero ang bulag, pipi, at bingi at pagiging action nanay muna ang nais niya.
Samantala, natanong si Sylvia kung nag-e-expect ba siya ng award sa pelikulang Nay na isa sa entry ng Cinema One Originals 2017. Kasama niya rito sina Enchong Dee at Jameson Blake at idinirehe ni Kip Oebanda (Si Kip ang director ng matagumpay na Bar Boys).
“Ay hindi. Lahat naman (movie or TV series) hindi ko ine-expect. Kapag gumagawa naman ako honestly hindi ko ine-expect na mananalo o magkaka-award. Pero siyempre gagawin mo ‘yung best mo. Bonus na lang ‘yung award. Pero never naman akong gumawa na inisip ko na kailangang magka-award ako, baka maging OA na ang arte ko. Hindi na normal, kasi ang isip ko trophy. Hindi naman kailangang ganoon.
Bonus na kapag napansin ang ginawa mo,” sambit nito na ang Nay ay ukol sa kuwento ng aswang invasion na ang isang lalaki ay nagkaroon ng matinding sakit at nakadiskubre ng malalim na sikreto ng pamilya.
Magaganap ang 13th Cinema One Originals mula Nob. 13 hanggang 21 sa Trinoma, Glorietta, Gateway, UP Cine Adarna, Cinema 76, at Cinematheque, at magkakaraoon naman ng extended run mula Nob. 22-28 sa Power Plant Mall.
Ang tagline ng Cinema One Originals ngayong taon ay Walang Takot. Kaya ang mga pelikulang kalahok ay maglalarawan sa makabagong paniniwala at reputasyon na mga naiibang kuwento ang masasaksihan.
Pitong pelikula ang bahagi ng full-length narrative category, kasama na ang dalawang nagbabalik na alumni, dalawang debut entries, at dalawang nagbabalik sa ikalawang pagkakataon. Ang mga ito ay ang
Paki ni Giancarlo Abrahan na pinagbibidahan nina Shamaine Buencamino at Noel Trinidad;
Nervous Translation ni Shireen Seno na pinagbibidahan nina Jana Agoncillo at Sid Lucero;
Historiographika Errata ni Richard Somes na bida sina Joem Bascon, Alex Medina, Maxine Eigenmann, at Nathalie Hart.
Kasali rin ang Changing Partners ni Dan Villegas na pinagbibidahan nina Agot Isidro, Anna Luna, Jojit Lorenzo, at Sandino Martin;
Ang Si Chedeng At Si Apple nina Fatrick Tabada at Rae Red nina Elizabeth Oropesa at Gloria Diaz;
at ang Throwback Today naman ni Joseph Teoxon na pinagbibidahan ni Carlo Aquino kasama sina Annicka Dolonius, Empress Shuck, at Allan Paule.
Shooting ng Ang Panday,
tapos na;
COCO, NAGPASALAMAT
SA MGA NAGING
BAHAGI NG PELIKULA
NATAPOS na noong Miyerkoles ang shooting ng unang directorial movie ni Coco Martin, ang Ang Panday.
Kasabay ng last shooting day ay ang sorpresang inihanda ng staff and crew sa Primetime King. Ipagdiriwang kasi ni Coco ang kanyang kaarawan sa Nobyembre 1 kaya naman isang sorpresang selebrasyon ang inihanda sa kanya.
“Sana maging maganda ang pelikula natin,” wish ni Coco bago hinipan ang mga kandilang nakalagay sa cake.
Pinasalamatan ni Coco ang mga naging bahagi ng kanyang pelikula sa mga ibinigay na suporta ng mga ito.
Binigyang importansiya ni Coco ang lahat ng bumubuo ng Ang Panday—mula sa creative, stunt man, mga artista, staff at crew. Para kasi sa kanya, walang maliit na katrabaho o artista. Lahat ay pantay-pantay dahil naniniwala si Coco na bawat isa ay may mahalagang ambag para mabuo at mapanganda ang kanilang pelikula.
Mula noon hanggang ngayon, nakilala namin si Coco bilang isang simpleng tao. Hindi iyon nabago ng kanyang kasikatan at naabot na estado sa buhay.
Mayroon kaming common friend ni Coco na sa tuwing uuwi ng ‘Pinas ay hindi nakalilimot ang actor para puntahan iyon o ibalik ang mga naitulong sa kanya noong walang-wala pa siya. Kaya naman hindi nakapagtataka kung maraming blessings ang dumarating at bumabalik sa kanya.
Kuwento ng aming kaibigan, mismong si Coco ang nag-aasikaso ng matitirhan niya kapag nag-i-stay siya ng bansa. At kahit super busy ito sa taping o shooting, naglalaan ito ng oras para makapag-bonding sila.
Maging sa entertainment press, well loved ang actor dahil marunong itong magpa-importansiya sa lahat. Nilalapitan niya isa-isa para batiin at makipag-kumustahan. Maging sa mga pagkakataong nakakasalubong namin siya sa hallway ng ABS-CBN, tiyak ang lagi niyang pagbati at ngiting salubong sa amin, kasama ang pagtawag ng, ‘ay mommy kumusta po.’
At sa kaarawan ni Coco sa Nob. 1, hangad namin na magkaroon siya ng oras sa sarili para makapagpahinga at maasikaso na ang puso. Happy birthday Coco!
MOMMY GUAPA,
SA PAGPUNTA SA QATAR
— BUHAY KO IBIBIGAY KO!
KAGABI o ngayong umaga aalis ang ina ni Isabel Granada na si Mommy Guapa kasama ang anak ng aktres na si Hubert patungong Qatar.
Ito ang napag-alaman namin nang tawagan si Mommy Guapa kahapon ng umaga habang patungo ito ng immigration para kumuha ng alien card.
Garalgal at emosyonal pa rin si Guapa at nasabi nitong, ”Kahit buhay ko ibibigay ko kay Isa, matanda na ako.”
DALAWANG BESES
NANG PINATAY
Sa pakikipagkuwentuhan naman namin kay Guapa noong Miyerkoles ng gabi, nasabi nitong dalawang beses nang pinatay si Isabel kahit buhay na buhay pa ito.
Aniya, ”Noong 2011 ibinalita ring patay na si Isabel tapos ngayon ibinabalita rin nila na patay na anak ko kahit buhay na buhay pa. Comatose lang naman siya.”
Hiling ni Guapa ang patuloy na panalangin para sa kanyang anak at umaasa siyang malalampasan ito ni Isabel.
Wala ring maisagot si Mommy Guapa nang tanungin namin kung may karamdaman ba si Isa kaya nangyaring inatake ito at nagtuloy sa aneurysm. Ang alam kasi ni Mommy ay very healthy si Isa, katunayan vegetarian ito at mahilig mag-exercise.