WEAK law enforcement, loose firearms, unemployment, makitid na oportunidad sa mga kabataan at ang pinakamatindi malalim ang culture of impunity…
Lahat daw ‘yan ay salik kung bakit namamayagpag ang mga tinaguriang riding-in-tandem sa isang lipunan na may ganyang katangian.
Noon pa natin sinasabi, police visibility pa lang, malaking factor na para magdalawang-isip ang isa o grupo ng mga kriminal para isagawa ang kanilang mga plano.
Naniniwala pa rin tayo na kahit tadtarin pa ng CCTV ang mga kalsada e mas may mga natatakot pa rin sa uniporme ng pulis at sa pulisya mismo.
Lalo na kung mabilis din ang hudikatura at may maayos na sistema ang Bureau of Corrections (BuCor) at Bureau of Jail Management and Penology (BJMP).
Pero sa nangyayari ngayon na law enforcement pa lang, e kayang-kaya nang paglaruan ng kilabot na riding-in-tandem, paano pa matitigil ang pamamayagpag ng ganyang klaseng mga kriminal o assassin?!
Sa totoo lang, ang riding-in-tandem assassins ay isang option na ng employment sa ating bansa. Hintayin pa natin ang ilang panahon at magiging ‘industriya’ na rin ‘yan. At konting panahon pa, pagdedebatehan na rin ‘yan sa Kamara at sa Senado na gawing legal in lieu of ‘death marshals.’
Wattafak!?
Noong una, ang sabi nila, ang mga riding-in-tandem ay mga pipitsuging kriminal. ‘Yun bang tipong P5,000 lang kasado na.
Ang gamit, paltik na baril at gastadong motor, pudpod pa ang gulong.
Pero dahil umuunlad ang ‘industriya ng riding-in-tandem’ magagara na ang kanilang baril, magagara na rin ang motor at higit sa lahat, kaya na nilang mag-back-up ng dalawa pang riding-in-tandem lalo na kung malaki ang budget.
PNP chief, Director General Ronald “Bato” dela Rosa, mukhang hindi ka kinatatakutan ng riding-in-tandem!?
O baka naman nawawalan ka na ng gana sa iyong trabaho?
Gaya ng kostumbre ng isang malapit nang magretiro. Ayaw nang maglunsad o sumama sa mga operasyon kasi baka maindulto pa ang retirement.
Ganoon ba ‘yun, PNP chief Sir?!
Kaya nga hanggang ngayon hindi masagot-sagot kung bakit hindi masugpo-sugpo ang riding-in-tandem.
Noong magkaroon ng Operation Tokhang, sumagasa ang riding-in-tandem.
Hanggang hindi na malaman ng PNP kung sino ang tumira sa mga suspected na adik at tulak.
Ngayong itinigil ang Operation Tokhang, nandiyan pa rin ang riding-in-tandem.
Panonoorin mo na lang ba ‘yan, Gen. Bato hanggang ikaw ay magretiro?!
Aba, kung ayaw mo nang sugpuin ‘yan, magpaalam nang maaga sa pagreretiro para naman makapasok ang gustong magtrabaho…
Sana lang, ang pumalit kay DG Bato ay hindi lang iyakin at utak-pulbura. Sana naman mahusay sa intelligence work at hindi sa intelihensiya.
In fairness kay DG Bato, may naiambag naman siya para tumiklop ang mga drug pusher at adik, pero ‘yun nga lang naging talamak naman ang riding-in-tandem.
Sana naman, humirit si DG Bato bago siya magretiro, masampolan man lang sana niya ang mga riding-in-tandem na ‘yan.
Maaasahan ba ng sambayanan ‘yan, Sir PNP chief?!
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0977.705.22.31 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com