KALUNOS-LUNOS ang sinapit ng mga residente sa Tondo, Maynila na sinabing suspek sa paggamit o pagtutulak ng shabu.
Tuwing naglulunsad ng anti-illegal drugs operation ang mga nagpapakilalang operatiba ng Tondo police, sinasabi nilang tatanungin lang nila ang mga suspek.
Pero kapag umalis na ang kamag-anak bigla na lang silang matatagpuang wala nang buhay.
Ang matindi pa, huling-huli sa camera na ipinapaling ng isang police operative ang CCTV camera para maitago kung ano ang gagawin nila.
Tsk tsk tsk…
‘Yang mga pulis na ‘yan ay nagpakilalang mga operatiba ng Manila Police District (MPD) Station 1 (Raxa Bago) and Station 2 (Morga).
Kung tutuusin, ang mga ganyang klaseng operatiba ang sumisira sa drug war ng Pangulo.
Kaya mabuti na rin na tuluyang inalis ng Pangulo ang anti-drug war operations sa PNP at tuluyang inilipat sa PDEA.
Pero kahit inilipat na sa PDEA, dapat pa rin imbestigahan at papanagutin ang mga kagawad ng pulisya na lumabag sa pagpapatupad ng batas sa pag-aresto ng mga suspek sa paggamit at pagtutulak ng ilegal na droga.
Ang tanong, sino ang mag-iimbestiga?!
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0977.705.22.31 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com