Friday , November 15 2024

Talupan si Bautista!

MATITINDING unos ang nakatakdang sagupain ni Commission on Elections (Comelec) Chairman Andres Bautista matapos baliktarin ng Kamara ang naibasurang impeachment case laban sa kanya.
Paniwala natin, taktikang-pusit ang pagsusumite ni Bautista ng resignation nang makatunog na patatalsikin siya ng Kamara, kamakalawa.
Tiyak na nasabihan ng kanyang mga kaalyado sa Kamara si Bautista bago pa pagbotohan ang pagpapatalsik sa kanya kaya maaga pa lang noong nakaraang Miyerkoles ay agad siyang nagtungo sa Palasyo para isumite ang kanyang resignation.
Nagkamali si Bautista kung inakala niya na lilitaw siyang dakila oras na makapaghain ng resignation bago ang resulta ng pagpapatalsik sa kanya ng Kamara.
Pero ang problema, sa katapusan pa pala ng Disyembre ngayong taon epektibo ang inihaing pagbibitiw ni Bautista sa puwesto, imbes dapat sana ay “irrevocable upon acceptance” para matakasan ang impeachment trial laban sa kanya.
Kaya naman bago dumating ang petsa ng kanyang pagbibitiw sa Disyembre ay may panahon pa ang Kamara na makabuo ng Articles of Impeachment at ang Senado na tatayong Impeachment Court na lilitis sa kanya ay makapaghahanda.
Posible lang hindi matuloy ang impeachment trial o paglilitis kay Bautista sa Senado kung ora mismo ay ngayon na agad siya magbibitiw sa puwesto, ayon kay House Speaker Pantaleon Alvarez.
Kaya lang, hindi pa lusot si Bautista sa mga ipatatawag na imbestigasyon ng Kamara at Senado para busisiin ang mga ibinulgar ng kanyang maybahay na si Gng. Patricia laban sa kanya.
Lalong hindi makalulusot si Bautista sa patong-patong na kasong graft na isinampa at isasampa pa laban sa kanya sa tamang oras.
Mabibigat ang bubunuing isyu ni Bautista laban sa kanya, ang nilalaman ng sangkaterbang bank accounts niya na hindi nakadeklara sa kanyang Statemen of Assets, Liabilities and Networth (SALN) at ang koneksiyon sa eleksiyon ng sinasabing komisyon na kanyang nakukubra sa Divina Law Office mula sa kompanyang Smartmatic.
Matatandaang sa SALN o katulad na kaso idiniin ng mga mambabatas na nagpagamit kay PNoy si yumaong dating Supreme Court (SC) chief justice Renato Corona.
Bago makulong sa PNP custodial center ay inamin ni dating senador Jinggoy Estrada na tumanggap nang malaking pork barrel ang mga mambabatas kapalit ng kanilang boto na mapatalsik si Corona sa puwesto.
Isa lang ang matitiyak natin, si Bautista ay siguradong matatalupan nang buhay, matuloy man o hindi ang impeachment trial laban sa kanya.
Sabi nga ng yumaong komentarista at manunulat na si Ka Rolando “Uding” Bartolome, ang tadhana raw ay laging may lihim na paraan ng paghihiganti.
Ano, Chairman Bautista, game ka na ba?

“P5-M DIVISION”
SA COMELEC

KAABANG-ABANG din ang paghalukay sa mga pinakatatagong ‘Lihim ng Guadalupe’ ni Bautista at sa Comelec.
Sakaling may katotohanan ang pagtanggap ni Bautista ng komisyon sa Smartmatic, aba’y tiyak na magpupuyos sa galit ang mga botante na nababoy ang boto sa nakaraang 2016 elections.
Kasama sa mga dapat ukilkilin kay Bautista ang malaking katarantadohan sa mga naaprubahang accreditation ng party-lists na dumaan sa tinaguriang “P5 Million Division” sa Comelec.
Kaduda-duda kung paano nakalusot sa Comelec at kung saan kumuha ng boto ang mga party-list na wala namang marginalized sector na kinakatawan.
Ang Comelec ay maraming itinatago sa mamamayan na panahon na para ang katotohanan ay lumabas sa mga isasagawang imbestigasyon laban kay Bautista.
Wala nang option na pagpipilian si Bautista para makabangon at mapatawad ng sambayanan kung ‘di ang pagsisiwalat ng katotohanan at pag-amin sa kasalanan, kesehodang may masagasaan.
Sabi nga, “For the truth shall set us free.”

(Para sa anumang sumbong at reaksiyon, mag-text o tumawag sa 09174842180. Maaring ipadala ang inyong liham sa e-mail address: [email protected])

About Percy Lapid

Check Also

Firing Line Robert Roque

Mga senador na nasa tama, nagkamali

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. MARAHIL humupa na sa ngayon ang galit ng publiko …

Aksyon Agad Almar Danguilan

“Kian Bill” para sa mga inosente, isabatas na!

AKSYON AGADni Almar Danguilan IYAN ang sigaw o panawagan ng grupong Akbayan Partylist sa Kongreso. …

PADAYON logo ni Teddy Brul

Upakan sa Pasig umiinit

PADAYONni Teddy Brul HINAMON ni dating Pasig City councilor, Atty. Ian Sia si Mayor Vico …

Sipat Mat Vicencio

Imee Marcos hinayaan babuyin ang amang si Makoy

SIPATni Mat Vicencio HINDI man lamang nagawang ipagtanggol ni Senator Imee Marcos ang kanyang amang …

Dragon Lady Amor Virata

Overstay sa Amerika, deportation parusa ni Trump

Isumbong mokay DRAGON LADYni Amor Virata MARAMING Pinoy ang nangangamba ngayon sa Amerika lalo mga …

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *