HANGGANG ngayon ay eksperto pa rin sa ‘pagsisingit’ ng pork barrel ang mga naghahanda ng national budget.
‘Yan mismo ang sabi ni Senator Panfilo “Ping” Lacson.
At hindi lang singit-singit na pork, multi-bilyong pisong pork barrel.
Nitong nakaraang Huwebes, sinimulan na sa Senado ang deliberasyon ng 2018 General Appropriations Act (GAA).
Sabi ni Senator Ping, ‘hihimayin’ niya ang House version ng General Appropriations Bill (GAB).
Kabilang sa nasilip na ‘pork insertions’ ni Sen. Ping ang budget sa Department of Social Welfare and Development (DSWD), Department of Public Works and Highways (DPWH) at Department of Agriculture.
Ganoon din umano sa National Expenditure Program ng Malacañang.
Kinuwestiyon din ang ‘redundant allocation’ ng P5.386 bilyon para sa student financial assistance ng DSWD.
Wattafak!
Bilyon-bilyon ‘yan.
Binigyan din ng Senado ng budget na P1.132 bilyon ang National Commission on Indigenous Peoples (NCIP).
E tanong lang po, ano ba ang ginagawa ng NCIP sa ating mga katutubo?!
Pinag-aaral ba nila ang mga kabataang katutubo? Kumusta naman ang kalagayan ng kalusugan nila?
May malinis na tubig bang naiinom ang mga katutubo?!
Alam ba ng NCIP na maraming Dumagat ang namamatay sa San Jose del Monte, Bulacan dahil sa kumakalat na impeksiyon dahil hindi nagagamot ang urinary track infection (UTI).
Isa lang ang punto natin, ‘pork insertions’ man o regular na budget, o kahit ano pa ang itawag sa mga item na ‘yan sa national budget, ang kuwestiyon, nailalaan ba talaga ‘yang mga pondo na ‘yan sa mga dapat makinabang o sa mga dapat makatanggap niyan?!
Sa ganang atin, hindi sa pangalan makikita kung paano nilulustay nang walang kapararakan ang budget na dapat ilaan sa mga mamamayan.
Kundi nasa wagas at dedikadong pagpapatupad ng bawat programa at proyekto ng pamahalaan.
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0977.705.22.31 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com
BULABUGIN
ni Jerry Yap