STRIKE five!
Si Dra. Paulyn Jean Roselle-Ubial ang panglima and hopefully panghuli sa mga itinalaga ni Pangulong Rodrigo “Digong” Duterte sa kanyang Gabinete na maibabasura ng powertripper na Commission on Appointments (CA).
Gaya nina Perfecto Yasay, Gina Lopez, Judy Taguiwalo at Rafael Mariano, si Ubial ay ‘hindi rin paborito’ ng mga nakapaligid sa Pangulo.
Wala namang bago sa ganitong mga pangyayari. Sa bawat bagong administrasyon, sa bawat bagong Pangulo, nagkakaroon ng kiskisan kasunod niyan ay laglagan.
Ang malungkot lang sa ganyang sitwasyon kung nagagamit ang mga taong may dalisay na puso at layunin sa pagseserbisyo sa mamamayan.
Sasabihin pa nga ng iba, buenas pa ‘yang mga hindi naa-appoint, kaysa naman naasunto pa.
Tsk tsk tsk…
Nanghihinayang lang tayo dahil parang wala tayong nakitang suporta ng Palasyo sa mga Gabineteng hindi nakapasa sa kapritso ng ‘power tripper’ na CA.
Bagamat sinasabi ng Pangulo na gusto niya ang mga taong may dedikasyon sa pagtatrabaho sa gobyerno gaya ng mga rekomendado ng leftist groups, matabang naman ang pagtanggap sa kanila ng CA.
Hindi naman rekomendado ng leftist groups sina Yasay, Lopez at Ubial pero kilala silang tatlo na mahigpit manindigan na mukhang hindi nagustuhan ng CA.
Si Yasay ay nagkaroon ng isyu sa kanyang citizenship.
Sa kaso ni Madam Gina, na matindi ang paglaban sa open pit mining na namamayagpag sa bansa, siya ay harap-harapang sinila ng mga tao o grupong pabor sa pagwasak ng kapaligiran.
Sa haba ng maigting na pakikibaka ni Madam Gina laban sa aniya’y mga tao o grupo ng mga lokal at dayuhang negosyanteng mapangwasak ng kapaligiran, tila wala siyang natanggap na suporta mula sa Malacañang.
At tila ganoon din ang nangyari kina Prof Taguiwalo, dating kinatawan ng party-list na si Ka Paeng at si Dra. Ubial na idinidiin pa sa isyu ng condom at bakuna.
Mayroon pa kayang magiging pang-anim na ilalaglag sa Gabinete ni Duterte?!
Kung wala nang babangga sa interes ng mga taga-CA at ng mga padrino nila, palagay natin, mapapanatag na ang mga appointee ng Pangulo.
Maliban kung… may malaking pagbabagong magaganap sa administrasyong Duterte.
At ‘yan ang dapat nating abangan.
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0977.705.22.31 o mag-email sa JERRYAP888@YAHOO.COM. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com
BULABUGIN
ni Jerry Yap